Aiza kay Liza Dino: Pareho kaming Beauty Queen, Little Miss Philippines ako, Mutya ng Pilipinas siya, patas lang!


AKALA namin ay bahagi ng upcoming concert ni Aiza Seguerra sa March 1 ang kanyang partner na si Liza Diño dahil todo talaga sa pagsuporta ang dating beauty queen, ultimo sa pag-estima ng friends nila sa media. Pero sey ni Liza “normal” lang daw yun sa isang partner.

Kamakailan kasi ay hayagan nang inanunsyo ng dalawa ang kanilang engagement na mauuwi na nga sa kasalan come 2015. Pero siyempre, kailangang kumayod muna sila ng bongga para sa natatanging araw na yun lalo pa’t plano pala nilang dalhin sa USA ang mga mahal nila sa buhay to witness the ceremony.

Anyway, ang DSL Events & Production House, na pinatatakbo ngayon ng napakaganda at seksi pa ring si Pops Fernandez ang producer ng show at tatayaan daw nila ang concert na ito ni Aiza for the simple reason na bilib at may sampalataya sila sa talent ng Multi Platinum singer-songwriter, at tinatawag na Philippine  Acoustic Sensation.

“Journey of Love” ang title ng show at asahan daw natin ayon kay Aiza na maire-relate niya ang kanyang buhay pag-ibig via her songs lalo pa’t sasamahan siya nina Tom Rodriguez at Martin Nievera with special participation of Ryzza Mae Dizon.

The concert will be held on March 1 at the Resorts World Newport Performing Arts Theater Newport Mall, Newport Blvd., Newport City, Cybertourism Zone, Pasay City with Tia Villena Osorio as musical director and directed by Noel Maximo.

“Pareho naman kaming may beauty title,” sambit ni Aiza tungkol sa fiance niyang si Liza. “Little Miss Philippines ako, siya naman Mutya ng Pilipinas. Patas lang,” hirit pa ng magaling na singer na aminadong mas naging in love nang aminin nila sa publiko ang kanilang relasyon ng aktres-beauty queen.

Though aware ang dalawa sa ilang hindi kagandahang reaksyon ng ilang sektor, dedma na lang daw sila dahil lagi naman daw ganun ang batas ng buhay, “You can’t win them all.”

Nagkataon lang umano na mga personalidad sila kaya nagiging big deal pero sabi nga ni Aiza, tao lang din sila na may karapatan ding  lumigaya.
Marami pa silang inaasahang paninira o pangnenega pero ang mahalaga daw sa ngayon ay hindi sila nagpapaapekto. “Ngayon pa,” simpleng dueto ng dalawa.

( Photo credit to Entertainment Inquirer.Net )

Read more...