ITO ang tanong ng simpleng mamamayan na naniniwala sa konsepto na ang mga edad 70 years old pataas ay pinapalaya na lang ng batas. Nabuo ito nang makalaya noon sina President Erap, Congressman Romy Jalosjos, Comelec chairman Ben Abalos at dating vice governor Conrad Leviste sa kabila ng kanilang mga kaso.
Pero, iba po ang sitwasyon nila kay Enrile. Lahat sila ay na-convict sa kani-kanilang krimen at ilan ay tumanggap ng presidential pardon o kaya’y pinalaya ng Bureau of Pardons and Parole dahil sa good behavior sa loob ng kulungan o kaya’y umigsi ang mga sentensya.
Sa kaso ni Enrile na siyang pinatutungkulan na si “Tanda” sa mga ginawang pagdinig sa Senado at ilan pang mga pagbubunyag hinggil sa P10 bilyon pork barrel scam, sa tingin ko ay hindi niya magagamit ang kanyang edad. Ni wala pang desisyon ang Ombudsman kung kailan isasampa ang kasong plunder sa Sandigambayan laban sa kanya kasama sina Senador Jinggoy Estrada, Bong Revilla, Janet Lim Napoles, Atty. Gigi Reyes, Pauline Labayen at iba pa.
Kapag naisampa na ito, warrant of arrest ang ipapalabas ng Sandigambayan at sisimulan nang dakpin si Enrile at iba pang respondents. Dahil non-bailable ang kasong pluder, di sila pwedeng magpiyansa at pansamantalang palayain. Pwedeng mag-ala Erap, GMA at Mayor Abalos si Enrile at makiusap sa Sandigambayan na manatili na lang siya sa ospital, o kaya’y magharap ng bail petition, dahil hindi naman siya tatakas dahil na rin sa kanyang pangalan at katandaan. Pero. Hindi madali ito dahil tiyak marami ang kokontra.
Kaya siguradong kulong siya, at ang inaasahan niyang presidential pardon o executive clemency ay matagal pa, dahil mangyayari lamang ito kapag nagkaroon na ng final decision ang Sandigambayan. Kung siya’y convicted, pwedeng patawarin siya agad ng susunod na presidente sa 2016. Kung acquitted naman ay sobrang swerte na niya.
Pero habang nililitis ito, kahit 90 years old na siya ay humihimas din siya ng malamig na rehas ng bakal tulad nina Jinggoy at Bong.
Ang mahirap sa tatlong ito ay kung abutin ng isang dekada o 10 taon ang paglilitis ng Sandigambayan. At kung magiging factor naman ang katapusan ng termino nina Presidential appointees SC Chief Justice Maria Lourdes Sereno at Ombudsman Conchita Carpio-Morales, kahit si Vice President Jejomar Binay o oposisyon pa ang papalit kay Pnoy, mahihirapan siyang garapalin kung paano palalayain ang tatlo. At kapag minalas at manalo ang kandidato ni Pnoy sa 2016, mukhang doon na mamamahay sa kulungan si Tanda kasama sina Sexy at Pogi.
Mas magaling itong si Enrile dahil hindi siya maiturong direktang tumanggap ng pera mula kay Ruby Tuason, o walang slam dunk evidence lalot puro si Atty. Gigi Reyes lang ang kumukuha ng pera. Pinipilit ni Sen. Miriam na idikit si Enrile dahil “nobya” daw niya si Gigi at “dummy” lamang ang papel nito.
Kaya masyado pong kriminal ang sitwasyon ngayon lalot kung susunod na babalikmang itong si Gigi. Ilang buwan na ang nakakaraan, nagbulalas ng sama ng loob sa kanyang Facebook account si Gigi dahil sa balitang inilaglag na siya ng kanyang boss na agad namang pinabulaanan ng huli.
Pero, mag-iiba ang sitwasyon kapag naisampa na ang kasong plunder sa Sandigambayan. Magiging international fugitive itong si Gigi, kanselado ang passport, at frozen pa ang mga bank accounts nito. At ang mas matindi, hahabulin siya ng INTERPOL, US DOJ, FBI at CIA upang mahuli at maibalik agad sa Pilipinas sa pamamagitan ng extradition.
At kapag siya ay nahuli,dalawa lang ang pwede niyang gawin. Una, makulong nang panghabambuhay at aminin na siya nga ang may kasalanan ng lahat, at walang kasalanan si Tanda. Isang self sacrifice na magugustuhan ng kampo ni Enrile. At Ikalawa, ituro niya si Enrile na siyang utak ng lahat ng anomalyang ito kasama si Janet Napoles? Kung iyong una ang gagawin niya o aminin ang lahat, tatanggapin ba ito ng kanyang konsensya, ng kanyang mga anak at pamilya? Sino ba ang mas mahal o mahalaga kay Atty. Gigi sa ngayon? Ang 90 anyos na si Enrile o ang kanyang natitirang karangalan?
Mabibigat na tanong kay Gigi sa harap ng sigurado kong “gapangan” ng DOJ-NBI at mga pwersa ni Enrile para makuha ang kanyang panig.
Pero sa ganang akin, lubusan nang kasaysayan ng ating panahon na makita ang sabay sabay na pagkulong sa tatlong senador dahil sa katiwalian. Sana ay maging leksyon ito sa marami pang mga kawatan sa gobyerno.