MULING pinatunayan ni Regine Velasquez na siya pa rin ang reyna pagdating sa biritan nu’ng Biyernes ng gabi sa Valentine concert nila ng Concert King na si Martin Nievera sa SM MOA Arena, ang “Voices Of Love”.
Feeling namin mas gumaling pa ang Asia’s Songbird sa pagpe-perform dahil talagang lahat ng production numbers niya – solo man o duet with Martin – ay pinapalakpakan ng bonggang-bongga.
Tingin din namin mas tumaas pa ang timbre ng boses ng Songbird, lalo na nang kantahin niya ang “A Love Story (Where Do I Begin)” at ang kanyang version ng “Let I Go” na mula naman sa pelikulang “Frozen” ng Hollywood.
At tulad ng inaasahan namin, hind kinaya ng powers ni Regine ang tribute para sa kanyang namayapang ama na si Mang Gerry. Sa simula pa lang ng kantang “You” ng Carpenters, bumigay na siya at iyak na nang iyak.
At habang tulo nang tulo ang luha nito, kinanta muna ng kanyang back-up vocals ang theme song nila ng kanyang ama na “Leader of the Band”.
Nang matatapos na ito, kinanta na lang niya ang huling linya ng song sabay dialogue ng, “I love you Papa!”
At sa halip na ituloy ni Regine ang kanyang number, pinapunta muna siya sa backstage – tulad ng napagkasunduan nila bago magsimula ang concert, sinalo muna ni Martin ang Songbird.
Usapan na nila na kapag bumigay ang misis ni Ogie Alcasid sa bahaging iyon ng show ay si Martin muna ang magpe-perform.Pero in fairness, pagbalik ng Songbird sa stage, humataw na ito at dito nga niya pinatunayan na siya pa rin ang nag-iisang reyna ng biritan.
At dito rin namin napatunayan na wala pa ring binatbat sina Sarah Geronimo at Angeline Quinto sa nag-iisang Asia’s Songbird.
Samantala, kwela naman ang participation ng mga kaibigan nina Regine at Martin sa show, bumaba ang dalawa sa audience at pinakanta si Goma, nag-duet pa sila ng Concert King.
Binalingan naman ni Regine si dating senador Kiko Pangilinan at pinakanta ng “Ikaw Lang Ang Mamahalin” na sinabayan na rin ni Sharon Cuneta.
Sa huling bahagi nito, napansin ni Regine sina Erik Santos at Angeline Quinto, biniro niya ito ng, “Naku nandito pala ang magdyowa!” Tawanan ang audience. Pinakanta naman sila ng “Hanggang Ngayon” na pinalakpakan din ng mga tao.
Marami pang highlights ang “Voices Of Love” at sa lahat ng mga hindi nakapanood, pwede n’yo itong abangan sa GMA 7 na siyang media partner ng show. Pero hindi na kami magtataka kung mag-announce ang producers nito ng repeat dahil sa sobrang tagumpay ng “Voices O Love”.
( Photo creit to INS )