Lakers taob sa Thunder; Nets sinuwag ng Bulls


LOS ANGELES — Kinamada ni Kevin Durant ng 19 sa kanyang 43 puntos sa ikaapat na yugto para pamunuan ang Oklahoma City Thunder sa pagpapalasap sa Los Angeles Lakers ng record-setting na ikapitong sunod na pagkatalo sa kanilang homecourt sa itinalang 107-103 pagwawagi sa kanilang NBA game kahapon.

Ang Thunder ay angat ng 1 1/2 laro sa Indiana Pacers para sa NBA best record. Ang kanilang 43-12 kartada ay tinapatan naman ang pinakamahusay na simula sa 47-taong kasaysayan ng prangkisa.

Sina Chris Kaman at Wesley Johnson ay umiskor ng tig-19 puntos para sa Los Angeles habang si Kendall Marshall ay nagdagdag ng 14 puntos at 17 assists. Natalo naman ang Lakers sa 22 sa kanilang huling 27 laro at nakasama ang Sacramento Kings para sa huling puwesto sa Western Conference.

Ang Oklahoma City ay may 20-7 karta na wala ang second-leading scorer nitong si Russell Westbrook, na hindi nakakapaglaro magmula nang magtala ng triple-double noong Christmas Day sa Madison Square Garden. Si Westbrook ay nagpapagaling pa mula sa arthroscopic surgery sa kanyang kanang tuhod.

Bulls 92, Nets 76
Sa Chicago, si Taj Gibson ay gumawa ng 16 puntos habang si Carlos Boozer ay nag-ambag ng 15 puntos sa panalo ng Chicago Bulls sa pagwawagi laban sa Brooklyn Nets.

Nagbalik naman si Boozer sa paglalaro matapos mawala ng tatlong laro bunga ng strained left calf injury. Si Joakim Noah ay nagdagdag ng 14 puntos at 13 rebounds para itala ang ikalimang diretsong double-double.

Umangat naman ang Bulls (27-25) ng dalawang laro sa .500 marka sa unang pagkakataon magmula nang itala ang 6-4 kartada noong Nobyembre. 21. Sila ay nagwagi sa apat sa limang laro.

( Photo credit to INS )

Read more...