Kaso ni Vhong mas lumakas dahil sa halikan nina Cedric at Deniece


PATAY! Mukhang “nakasuntok” na naman si Vhong Navarro laban kina Cedric Lee at Deniece Cornejo. Ito’y matapos ngang bumandera sa mga social networking site ang mga eksenang nakunan ng CCTV sa Forbeswood Heights Condominium kung saan naganap ang pambubugbog at pambababoy kay Vhong.

Naglabas na ang National Bureau of Investigation ng panibagong CCTV footages na may kuneksiyon pa rin sa kaso nina Vhong, Cedric at Deniece. At dahil dito, naniniwala ang kampo ng TV host-comedian na mas naging malakas ang kanilang kaso.

Ang nasabing CCTV video ay kuha pa rin sa elevetor ng condo ni Deniece noong Jan. 22, pagkatapos diumanong magtungo sa presinto ang grupo ni Cedric para ipa-blotter ang sinasabing tangkang panggagahasa ng komedyante kay Deniece.

Dito makikita ang grupo ni Lee sa loob ng elevator, pero ang talagang mapapansin dito ay ang nakangising si Cedric habang hinahalikan sa may bandang leeg si Deniece.

Kung totoo  ang CCTV footage at hindi pineke, ibig sabihin, nagsinungaling sina Cedric at Deniece tungkol sa tunay nilang relasyon. Ayon kasi sa dalawang akusado sa mga kasong isinampa ni Vhong, magkaibigan lang sila at hindi magdyowa.

Pero sa lumabas ngang bagong CCTV footage, kahit na siguro isang batang paslit ang tanungin mo, ay hindi maniniwalang friends lang ang dalawang akusado. Of course, nagpipiyesta ang mga kaibigan at supporters ni Vhong dahil sa  development na ito.

Ayon naman sa spokesperson ni Cedric na si Atty. Raymund Fortun, isang “non-issue” ang paglabas ng CCTV footage dahil aniya, wala itong kinalaman sa akusasyon ni Deniece na ginahasa siya ni Vhong at doon na lang daw sana mag-focus ang mga otoridad.

“It does not prove or disprove the parties’ version of events that night,” sabi pa ng abogado.

( Photo credit to E Santiago )

Read more...