Heat wagi sa tres ni LeBron

OAKLAND, California — Tumira ng step-back 3-pointer may kapirasong segundo ang nalalabi si LeBron James para itulak sa 111-110 panalo ang Miami Heat laban sa Golden State Warriors kahapon sa NBA.

Nagtapos na may 36 puntos, 13 rebounds at siyam na assists si James na nagdoble kayod kahapon dahil wala ang kakampi niyang si Dwyane Wade na may sore left foot injury.

Bago ang game-winning triple ni James ay tumikada muna ng tres ang All-Star Game starter ng West na si  Stephen Curry para bigyan ng two-point lead ang Warriors.

May 14.6 segundo naman ang Heat para isagawa ang huling play ng laro at hinintay ni James na halos maubos na ang oras bago niya pina-kawalan ang kanyang huling tira mula 27 feet sa harap ng depensa ni Andre Iguodala.

Nang pumasok ang bola sa net ay may 0.2 segundo na lang ang natitira at hindi ito naging sapat para makatira pa ang Warriors.

Si Chris Bosh ay nagdagdag naman ng 19 puntos at limang rebounds para sa Heat.

Si Curry ay may 29 puntos at pitong assists at si David Lee ay may 21 puntos at 11 rebounds para sa Golden State.

Read more...