Sa Peb. 28 na ang alis ni Rachelle Ann Go patungong London para sa musical play na “Miss Saigon” na magsisimula na sa Mayo 3, 2014.
Kuwento ni Rachelle Ann, “I got an e-mail from Miss Saigon the other day at tinatanong nila kung puwede akong mas maagang umalis kasi parang on March, magkakaroon sila ng benefit show at gusto po yata nilang introduce po ako at si Kim (Eva Noblezada) sa Filipino community at kasama rin namin sa shows ay galing sa iba’t ibang musicals.
“At tinanong nila kung interested ako, siyempre nag-yes naman ako, so feeling ko, mapapaaga, mga February 28 ang alis ko kasi March 2 ‘yung show. So, I have two months to rehearse kasi we’re opening on May 3, malapit na po. And my contract is one-year.”
At dahil isang taon siyang mawawala ay paano na ang panliligaw sa kanya ni Slater Young na nangakong dadalawin siya sa London, “Sige tingnan natin kung tutuparin niya, i-test natin,” sabi ng dalaga.
Inamin din niya na hindi muna niya iniisip ang tungkol sa lovelife dahil mas prayoridad niya ang gagampanan niyang papel na Gigi sa “Miss Saigon”. Pero aminado naman si Rachelle Ann na exclusively dating sila ni Slater, “Yeah, wala naman akong ibang dine-date.”
At nakilala na raw ng dalagang singer ang pamilya ng binatang taga-Cebu, “Oo na-meet ko po, sa isang dinner, nagkaroon kami ng show doon (Cebu).”
Ang pagiging simple at hindi showbiz ang nagustuhan ni Rachelle Ann kay Slater, “Mabait at saka hindi showbiz. Kaya nagkasundo kami. Let’s see, sa ngayon kasi ang concentration ko Miss Saigon”
Ngayong araw ng mga puso ay hindi magkakasama ang dalawa dahil, “Nasa Cebu siya, wala naman siyang sinabi at saka malapit na po ‘yung concert, so puro rehearsal ako this week, so dance-dance, band rehearsal, so trabaho pa rin po.”
Ano naman ang reaksyon ni Rachelle Ann na hanggang ngayon ay ikinukumpara pa rin sila ni Sarah Geronimo, naungusan na raw niya ang Pop Princess dahil pang-international na nga ang career niya.
“Hindi naman, kanya-kanyang opinyon po ‘yan ng ibang tao, ako hindi ko po naisip ‘yun kasi sobra kaming (Sarah) close. Ang weird nga, kasi sobra po kaming close ngayon kung kailan wala ako sa kabilang (ABS-CBN) istasyon. Hindi ko po naisip ‘yun, kung baga gagawin (Miss Saigon) ko lang ito bilang trabaho ko,” paliwanag ng dalaga.
Samantala, ayaw ikumpara ni Rachelle Ann ang sarili sa orihinal na Gigi ng “Miss Saigon” noong 1989 na si Isay Alvarez. Kaya bang lampasan ng dalaga ang record nito?
Mabilis na reaksiyon ng singer, “Si miss Isay ‘yan, ayokong ikumpara ang sarili ko. Ayokong isipin na kailangang mas magaling ako sa kanya, siguro mas magandang sabihin kong galingan ko para sa sarili ko. Saka siya ‘yung original na gumanap at nakatatak na sa kanya ‘yan.”
Bago umalis si Rachelle Ann ay mapapanood muna siya sa “Miss Rachelle Ann Send-Off Concert” sa Meralco Theater, Peb. 22 kasama ang mga kaibigan niyang sina Erik Santos, Christian Bautista, Mark Bautista at Regine Velasquez produced ng Cornerstone Concerts at Pink Management & Productions Inc., with special thanks to Discovery Suites, Urban Smiles ModernDentistry, Shinagawa Lasik & Aesthetics, Creative Minds Strategic Media marketing & Events with Media partners, GMA, Myx, Manila Concert Scene at Astroplus.