Pisikal na tayong iniwan ng komedyanteng si Tado, naihatid na siya sa kanyang maituturing na habambuhay na tahanan, pero ang magagandang alaala ng komedyante ay mananatiling buhay na buhay sa ating mga puso.
At dahil na-cremate na ang mga labi ni Tado ay puwede na nating talakayin ang isyung pinagpipistahan ngayon tungkol sa ginawang pagtulong ni Willie Revillame sa kanyang naulilang pamilya.
May mga kababayan tayong nagpaparatang ng pag-angkin diumano ni Willie sa kredito ng pag-ayuda sa pamilya ng komedyante, pinalabas pa ng ibang bashers na parang nabalewala ang tulong na ginawa ng mga kaibigan ni Tado sa pagkuha ng kanyang bagkay mula sa Bontoc paluwas ng Maynila, isang paghusgang taliwas sa totoong nangyari.
Totoong malaki ang itinulong ni Willie sa pamilya ni Tado dahil malapit sa kanyang puso ang komedyante, nagkasama sila nu’n sa isang show sa ABS-CBN, mula sa puso ang ginawang pagsuporta ni Willie sa pamilya ng namayapang komedyante.
Pero kahit kailan ay hindi niya ‘yun ipinagsabi, mga taong nakakasaksi sa kagandahan ng kanyang puso ang nagpapaikot ng kuwento, hindi si Willie mismo. Anumang ginagawa ng kanyang kanang kamay ay hindi na niya ipinaaalam pa sa kaliwa.
Sana naman ay maghinay-hinay ang mga taong walang gustong gawin kundi ang butasan ang mga kilalang personalidad, mas bigyan naman sana nila ng kredito ang kabutihan ng kanilang puso, hindi ang kung ano-anong kuwentong wala namang basehan.
Tumutulong na nga ang tao ay pinasasama pa sa halip na premyuhan ng maganda, saan nga ba ilalagay ng mga personalidad ang kanilang sarili kung ganu’n ang ginagawa sa kanila, nakakalungkot naman.
Kawawang Willie Revillame, tumulong na nga siya ay napasama pa, mabuti na lang at mismong mga kadugo ng namayapang komedyante ang nagtatanggol sa kanya.