NALULUNGKOT si Philippine Olympic Committee (POC) 1st Vice President Joey Romasanta sa mga ulat patungkol sa natatanging kinatawan ng Pilipinas sa Winter Olympics na si figure skater Michael Christian Martinez.
“All these issues being raised by his family ay nangyari ilang araw bago siya mag-compete. Kaya nakakalungkot dahil baka makaapekto sa ipakikita ng bata. Baka sa huli ay kami pa rin ang sisihin,” wika ni Romasanta.
Kasabay nito ay sinabi ni POC chairman Tom Carrasco Jr. na hindi pinabayaan ng National Olympic Committee (NOC) si Martinez bagay na inilabas ng ina ng skater na si Maria Teresa.
Ayon kay Carrasco, naikuha ng POC si Martinez ng training scholarship mula sa International Olympic Committee (IOC) sa pamamagitan ng Olympic Solidarity Program.
“Ang amount na ito ay $6,000 na ibinigay ng IOC tulad sa mga ibinibigay sa nakakapasok sa Summer Olympics. Four months ito starting July to November at $1,500 ang support for his training,” wika ni Carrasco.
May tatanggapin din si Martinez na refund mula sa POC sa pamasahe niya noong nagsanay sa Russia bilang bahagi ng kanyang pagsasanay na nagkakahalaga ng $2,125.
“Ang kanyang uniform at iba pang apparels ay binili ng POC at binigyan din siya ng allowance na $50 per day for 26 days para sa Winter Olympics sa Sochi, Russia. We gave him more for this competition,” dagdag pa ni Carrasco.
Ang pahayag ng POC ay nangyari matapos magsalita ang Philippine Sports Commission (PSC) sa kung bakit hindi sila tumulong sa gastusin ng 17-anyos skater na kakampanya ngayong araw.
Malinaw na ipinahayag ni PSC chairman Ricardo Garcia na hindi tumulong ang ahensya dahil hindi humingi ng tulong ang Philippine Skating Union (PSU).
Sinabi pa ni Garcia na nakausap din niya ang itinuturing na godfather ng sport at chairman ng PSU na si Hans Sy at kanyang inihayag na hindi hihingi ng tulong ang asosasyon sa PSC dahil siya ang sasagot sa lahat ng gastusin ng manlalaro mula sa paghahanda hanggang sa pag-alis para lumahok sa torneo.
PHOTO: INQUIRER