Pahupa na ang kontrobersiya tungkol sa walang kalaban-labang pagkakabugbog kay Vhong Navarro, pero hindi nagpapapetiks-petiks ang kanyang kampo, masidhi pa rin ang kanilang hangaring pagdusahan ng mga nagkasala ang kanilang ginawa.
Mas maigting pa nga ang ginagawa nilang pag-iipon ng mga ebidensiya ngayon sa tulong na rin ng NBI, napakarami pa palang kuwentong nakapailalim tungkol sa naganap, sa korte na ‘yun tatalakayin ng magkabilang kampo sa pang-aasunto nila sa isa’t isa.
Sa ngayon ay nagsisimula nang maging normal ang buhay ni Vhong, pero hindi pa babalik sa dati ang ikot ng kanyang mundo sa araw-araw, hindi pa siya makababalik sa kanyang trabaho dahil napakarami pa niyang inaasikaso kaugnay ng mga kasong isinampa niya laban sa grupo nina Cedric Lee at Deniece Cornejo.
Kung ang akala ng kabilang kampo ay medyo lumalamig na ang lahat ay nagkakamali sila, kung tutuusin ay ngayon pa lang mas lumalalim ang mga detalye tungkol sa senaryo, dahil maraming saksi ang naglalabasan para makiisa kay Vhong sa kanyang ipinaglalaban.
Mananatiling isang matinding bangungot para kay Vhong ang nangyaring ito, hindi madaling kalimutan ang isang gabing ‘yun na halos ikamatay niya ang tulong-tulong na pananakit sa kanya ng mga kalalakihang ni hindi niya naman kilala, siguradong sa kanyang pag-iisa ngayon ay kinikilabutan pa rin si Vhong Navarro kapag naaalala niya ang naganap na bangungot sa kanyang buhay.
Isang araw ay gugulong din ang imbestigasyon, magkakaroon ng resulta ang paglilitis, kung sino ang sa pagbabalanse ng korte ay tunay na nagkasala ay ‘yun na lang ang kailangan nating hintayin.
( Photo credit to Google )