GAYA ng dati, nahiya si Pangulong Aquino na gamitin ang kanyang pagiging VIP at pumila sa tanggapan ng Land Transportation Office sa Tayuman, Maynila.
May kalahating oras na pumila si Aquino.
Kung tutuusin ay hindi na bago ang ganitong ginagawa ng pangulo. Kahit noong hindi pa siya presidente ay ginagawa na niya ito.
Noong eleksyon ng 2010, ilang oras na pumila ang noon ay senador pa lamang na si Aquino sa kanyang presinto sa Tarlac.
Naaalala ko pa ang ilang reporter na kasama noon na sige ang paghahanap ng masisilungan dahil mainit.
Sana lang ay gayahin ng ibang opisyal ng gobyerno si PNoy.
Kung nagaya nila si PNoy na hindi na gumagamit ng ‘wang-wang’ kapag trapik, sana ay gayahin din nila ito na pumila sa pakikipagtransaksyon sa gobyerno.
Baka sakali lang na kung matagal na pumipila ang mga VIP at opisyal ng gobyerno gaya ng ordinaryong tao ay magawaan nila ng paraan na mapabilis ang transaksyon sa mga ahensya ng pamahalaan.
Pero sabi ng ilan, pa-pogi lang?
Buti na lang at hindi kumuha si PNoy ng clearance sa National Bureau of Investigation noong nakaraang buwan.
Kung hindi, malamang naranasan niya na gumising ng hatinggabi gabi para makapila ng madaling araw sa tanggapan ng NBI.
Kung sabagay, mas maayos na ngayong buwan ang sistema, dahil pwde nang mag-apply ng NBI clearance online. Ang sama lang pag oras na para kunin ito, pipila ka pa rin nang pagkahaba-haba.
Kamakailan ay sinisi ng Meralco ang Malaya Plant kaya daw umabot sa P4.15 kada kWh ang taas singil sa generation charge na lumabas sa billing noong Disyembre.
Kung tumakbo daw ang Malaya Plant mas mababa daw sana ang itinaas ng generation cost.
Umaabot pala sa P500 milyon ang ginagastos ng taumbayan kada taon sa pagbabayad ng hindi pinapakinabangang Malaya power plant.
Sa sobrang luma ng plantang ito, sinasabing masyadong mahal kung gagamitin ito para magsuplay ng kuryente.
Sa isang buwan na operasyon nito gagastos ito ng P3 bilyon. Wala pang kinita ang planta doon, gastos pa lamang ito sa paggawa ng kuryente.
Tinangka nang ibenta ang Malaya plant pero walang gustong bumili nito. Kaya ang plano ay ibenta na lamang ito bilang junk.
Isang hakbang na kung tutuusin ay tama. Bakit nga naman tayo gagastos ng P.5 bilyon para sa isang planta na hindi naman natin pinapakinabangan?
At kung gagamitin ay magbebenta ng mahal na kuryente.
Pero hindi pa kayang pakawalan ng DOE ang Malaya plant dahil baka magkaroon daw ng emergency at wala tayong makuhanan ng dagdag suplay ng kuryente.
So, kung sakaling darating ang panahon, maiiwasan natin ang brownout pero magbabayad ang konsumer ng mahal.
Maaaring maibenta lang ang Malaya plant kung tapos na ang mga bagong itinatayong planta.
Kung tumakbo kaya ang Malaya, hindi nga kaya aabot sa P4.15/kWh ang taas singil ng Meralco? O baka naman idinadahilan na lamang ito ng Meralco matapos silang akusahan ng pagmamanipula para tumaas ang presyo ng kuryente.