Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
8 p.m. Barangay Ginebra vs SanMig Coffee
UMABOT nga sa sukdulan ang bakbakan. Subalit kalilimutan na ng Barangay Ginebra San Miguel at SanMig Coffee ang unang anim na laro, at itotodo ang konsentrasyon at lakas sa Game Seven ng PLDT myDSL PBA Philippine Cup semis mamayang alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.
Ang magwawagi mamaya ay makakaharap ng Rain or Shine sa best-of-seven Finals simula sa Biyernes. Biglang nabuhayan ang Barangay Ginebra bunga ng pakikipag-usap ni Senator Robert Jaworski Sr. sa Gin Kings sa halftime ay nakabawi sila sa 14-puntos na abante ng Mixers upang magwagi sa Game Six, 94-91, noong Lunes at itabla ang serye, 3-all.
“Our defense worked well especially in the third quarter,” ani Gin Kings coach Renato Agustin na sumang-ayon na malaking tulong ang mga pananalita ni Jaworski sa halftime.
“We needed to pressure them and be very aggressive. We succeeded in doing that.” Lumabas ang pinakamagandang laro ni Mark Caguioa sa serye at nagtala siya ng 21 puntos.
Nagdagdag ng 20 si Gregory Slaughter. Nakabawi naman si LA Tenorio sa kanyang masagwang performance sa Game Five nang kumamada siya ng 16 puntos. Nagdagdag din ng 13 si Japhet Aguilar.
Sa panig naman ng SanMig Coffee, ang two-time Most Valuable Player na si James Yap ay nagtala lang ng siyam na puntos samantalang si Joe DeVance ay nalimita sa lima.
Nabigo silang tulungan si Marc Pingris na gumawa ng conference-best 20 puntos. Sa semifinals, ang SanMig Coffee ay nagwagi sa lahat ng odd-numbered games. Kinuha nila ang Game One (85-83), Game Three (97-89) at Game Five (79-76).
Nagwagi naman ang Barangay Ginebra sa lahat ng even-numbered games. Kinuha ng Gin Kings ang Game Two (93-64) at Game Four (85-82).
Nagkaganito man, sinabi ni Agustin na ang resulta ng unang anim na laro ay puwede nang kalimutan dahil sa ang puso at intensity na lang ng mga manlalaro ang magdidikta sa kalalabasan ng serye.
Sa kabila naman ng kabiguang wakasan ang serye noong Lunes, naniniwala si SanMig coach Tim Cone na nasa kanila pa rin ang bentahe dahil sa sanay na sila sa Game Seven.
Kinailangan nilang magwagi sa Game Seven ng nakaraang Governors Cup Finals kontra Petron Blaze upang makamit ang kampeonato.
( Photo credit to INS )