HUMINGI ng paumanhin si Barangay Ginebra San Miguel point guard LA Tenorio sa mga sportswriters, mga fans at mga kaibigan niyang na-isnab niya noong Linggo.
Hindi niya sinagot ang mga tawag sa kanya sa telepono, hindi niya sinagot ang mga text messages, hindi niya pinansin ang mga tweets at mga posts sa Facebook.
Mag-isa niyang kinimkim ang sama ng loob matapos na matalo ang Gin Kings sa SanMig Coffee sa Game Five, 79-76, noong Sabado. Halos lahat kasi ay siya ang si-nisisi sa pagkatalong iyon.
Mangyari’y tumama sa gilid ng board ang bola matapos ang kanyang drive bilang pagtugon sa instruction ni coach Renato Agustin na “go strong” sa mga huling segundo ng laro.
At nang mabigyan ni Justin Melton ng three-point lead ang SanMig Coffee sa pamamagitan ng isang free throw, sa halip na tumira ng three-point shot ay dumiretso para sa isang buzzer-beating (sana) layup si Tenorio at muling nagmintis.
E kahit na pumasok ang layup na iyon ay talo pa rin ng isang puntos ang Gin Kings! Well, sinabi naman ng winning coach na si Tim Cone (na dating coach ni Tenorio noong sila ay nasa Alaska Milk pa) na ang ganitong mga bagay ay nangyayari talaga.
“It happens to the best of them,” ani Cone.
Pero siyempre, hindi maiaalis na masisi si Tenorio. Kahit mga die-hard Ginebra fans ay nanghihinayang at naninisi kay Tenorio. Ilan lang ang talagang nagsasabi na okay lang ang nangyari at bumawi na lang sa Game Six.
Ganoon talaga ang basketball! Kaya hayun, nagmukmok si Tenorio at hindi pinansin ang mga tumatawag sa kanya. “Nagdasal lang ako,” aniya. “That gave me time to think.
That brought be back down to earth.” Siguro nga raw ay malaking pagsubok iyon galing sa Itaas. “Baka kasi naiisip ko na nasa itaas na ako, e. Baka ganoon na daw ang tingin ko sa sarili ko. So I have to go back down.
Tanggap ko naman iyon,” ani Tenorio ng buong pagpapakumbaba. Bago ang Game Six ay nagsimba si Tenorio sa Padre Pio. Humingi siya ng lakas ng loob.
At sa totoo lang, pagdating niya sa Araneta Coliseum ay sinalubong naman siya ng coaching staff ng Barangay Ginebra San Miguel at ng kanyang mga kakampi na puno ng motivation.
“Sila rin ang nagpalakas ng loob ko. Gusto ko talagang makabawi. Gusto talaga naming makabawi mabuti na lang at binigyan kami ng pagkakataon para magpatuloy sa series na ito.
Talagang nagkaisa kaming lahat,” ani Tenorio. Natalo man ang Barangay Ginebra sa Game Five ay nakabawi sila’t naitabla nila ang serye sa 3-all. Ngayo’y isa’t-isa na lang ang laban.
Hindi na maliligaw ang diwa ni Tenorio sa Game Seven at gagawin niya ang lahat upang maihatid ang Gin Kings sa Finals. Kung iyon ang tunay na kaloob ng Maykapal.