Ginipit si Imelda

SI Imelda man ay ginipit din ng gabundok na mga kaso kahit siya’y wala sa bansa.  Nang dumating sa bansa ay dinagdagan pa ang mga kaso.

Hanggang ngayon ay isa-isang sasamsamin ng gobyerno ang kanyang mga ari-arian, mga ari-arian na ipinundar ng asawa sa pag-aabogado at mga ari-ariang unti-unting naipundar sa Leyte.

Noon pa man, bago pa ideklara ang martial law, ang pagsasampa ng kasong kriminal, o sibil na may milyones na danyos, ang madaling isampa para lamang bigyan ng malaking problema ang akusado.

Kapag ang akusado ay walang kaya sa buhay, naglaho na ang kanyang pag-asang manalo.

Halos lahat ng mahihirap sa Munti ay ipinagtanggol ng mga abogadong mula sa pamahalaan at itinalaga ng korte.  Ang mga bilanggo sa Munti ang mismong makapagpapatunay na iba ang nagagawa ng pera para maipanalo ang kaso, ang mga kaso.

Napatunayan yan sa mga kasong isinampa kay Imelda.  Walang napatunayan sa kanyang mga kaso.

Malaya pa rin siya at ilang beses nang naging miyembro ng Kamara.  Ilang beses nang naging mambabatas.

Ngayon, tinitingala si Imelda ng mismong mga naglaglag sa kanya nang ilipad ng Amerika paalis ng bansa ang asawa niya na may malubhang karamdaman.

Ngayon, kumbidado si Imelda sa malalaking sosyalan ng mayayaman.

Nag-iisa si Ninoy

NAG-iisa si Ninoy nang siya’y hulihin ng militar ni Marcos nang ideklara ang batas-militar.

Di umalma ang milyones na bumoto sa kanya para senador.  Di rin nag-alsa ang Pampanga’t Tarlac, ang sinasabing balwarte ni Ninoy.

Walang pakialam ang Greater Manila Area nang hulihin si Ninoy at ikulong, kasama ang mga sikat na miyembro ng oposisyon.

Nang hatulan ng kamatayan ng korte-militar sa pamamagitan ng firing squad, walang pakialam ang bansa.  Hinahanap ng kanyang mga kaalyado ang taumbayan, ang mga natulungan ni Ninoy, ang kanyang mga kababayan, ang kanyang mga kamag-anak.  Nasaan sila.

Binabalot ng pag-iisa ngayon si Gloria.  Kung nag-iisa sina Imelda’t Ninoy noong sila’y tinapakan ng paa ng estado, mas lalong masakit ang pag-iisa ni Gloria ngayon.

Siya ba’y pinagbabayad lang at ginagantihan lang ngayon, o sadyang masama ang ugali ng mga nakinabang?

Read more...