Tambay dumami pa; umabot sa 12.1M walang trabaho

LALO pang nadagdagan ang bilang ng mga Filipino na nawalan ng trabaho sa huling bahagi ng 2013, ayon sa survey ng Social Weather Station.

Mula sa dating 21.7 porysento o 9.6 milyon katao na nagsabi na wala silang trabaho noong Setyembre, umakyat sa 27.5 porsyento o 12.1 milyon ang bilang ng mga Filipino ang walang trabaho nitong Disyembre.

Mabilis namang isinisi ng Palasyo sa mga nagdaang kalamidad ang dahilan kung bakit tumaas ang bilang ng mga walang trabaho.
Sa kanyang briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na inaasahan na ng pamahalaan ang pagtaas ng bilang ng mga walang trabaho.

“Based on the three calamities that beset this country—the earthquake, the disrupted economic activity in Bohol, the Zamboanga incident which also disrupted (the economy), as well as the whole swath of territory that was affected by typhoon ‘Yolanda’—the unemployment factor increase was understandable,” sabi ni Lacierda.

Sa mga nagsabi na wala silang trabaho, 14 porsyento ang boluntaryong umalis sa kanilang pinapasukan.
Dalawang porsyento ang nagsabi na nagsara ang kanilang pinapasukan at ang pitong porsyento ay hindi na na-renew ang kontrata.

Dalawang porsyento rin ang tinanggal sa trabaho at apat na porsyento ang hindi pa nararanasang makapagtrabaho.
Sa kabila ng pagtaas, marami ang umaasa na ngayong 2014 ay darami ang mga trabaho na mapapasukan.

Naniniwala ang 40 porsyento na darami ang trabaho ngayong taon, pero 31 porsyento ang naniniwala na walang magbabago sa bilang ng trabaho.

Nangangamba naman ang 21 porsyento na lalo pang mabawasan ang may mga trabaho samantalang hindi alam ng walong porsyento kung ano ang mangyayari.

Kinuha sa survey ang opinyon ng 1,550 respondents na mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Ginawa ito noong Disyembre 11-16.
Siniguro naman ng Palasyo na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng paraan para mabigyan ng trabaho ang mamamayan.

“We continue to ensure that our people will continue to find employment. We will continue to find measures that can provide employment for them,” dagdag pa ni Lacierda.

Read more...