OKLAHOMA CITY — Nagtala si Kevin Durant ng 41 puntos, 10 rebounds at siyam na assists para tulungan ang Oklahoma City Thunder na talunin ang New York Knicks, 112-100, sa kanilang NBA game kahapon.
Nag-ambag naman si Reggie Jackson ng 19 puntos at anim na assists habang si Serge Ibaka ay nagdagdag ng 16 puntos at siyam na rebounds para sa Thunder, na galing sa 103-102 pagkatalo sa kamay ng Orlando Magic nitong Sabado.
Si Durant, ang NBA leading scorer ngayong season, ay dinaig naman sa kanilang duwelo si New York forward Carmelo Anthony, ang No. 2 scorer ng liga. Si Anthony ay gumawa ng 15 puntos mula sa 5-for-19 shooting para sa Knicks, na natalo sa apat sa kanilang limang laro.
Sina Raymond Felton at Amare Stoudemire ay umiskor ng tig-16 puntos para sa Knicks.Nakapagbuslo ang Thunder ng 12 3-pointers at tumira ng 55 porsiyento sa kabuuan.
Magic 93, Pacers 92
Sa Orlando, Florida, gumawa si Victor Oladipo ng 23 puntos, kabilang ang 13 sa ikaapat na yugto para pamunuan ang Orlando Magic sa nakakagulat na panalo sa Indiana Pacers.
Naagaw ng Indiana ang inbounds pass ng Orlando may 9 segundo ang nalalabi at nagawa pang tumira ni Paul George ng 20-foot jumper. Subalit nasupalpal siya at nakuha ng Magic ang bola tsaka inubos ang oras.
Bunga ng panalo, tinalo ng Orlando ang mga nangungunang koponan ng kumperensiya ng magkasunod na laro matapos na daigin ang Oklahoma City. Ang pagwawagi ay tumabla rin sa season-high win streak ng Magic na tatlong laro.
Pinalawig din nito ang kanilang home win streak sa limang sunod na laro. Nagdagdag si Nik Vucevic ng 19 puntos at 13 rebounds para sa Orlando.
Pinangunahan ni George ang Pacers sa kinamadang 27 puntos. Si Lance Stephenson ay nagdagdag ng 16 puntos para sa Indiana na naputol ang winning streak sa apat na laro.
Bulls 92, Lakers 86
Sa Los Angeles, umiskor si Kirk Hinrich ng 19 puntos habang si Joakim Noah ay nagtala ng 18 puntos at 13 rebounds para pangunahan ang Chicago Bull sa panalo kontra Los Angeles Lakers.
Nag-ambag si Taj Gibson ng 18 puntos para sa Bulls, na hindi naghabol sa pinutakti ng injury na Lakers squad. Si Chris Kaman ay kumana ng season-high 27 puntos mula sa bench ng Lakers habang si Steve Nash ay nakagawa ng walong puntos para sa Los Angeles bago inilabas sa ikatlong yugto bunga ng pananakit ng kaliwang hita.
( Photo credit to INS )