Maligaya kami sa muling pagbabalik ni Wally Bayola sa Eat Bulaga. Kahit pa magagaling ang lahat sa tropa ng noontime show, nu’ng masuspinde ang komedyante ay ramdam pa rin na merong kulang sa pananghalian, kung ano ang nakasanayan na natin ay talagang hahanap-hanapin kapag nawala.
Maganda ang ginawang disiplina ni Ms. Malou Fagar sa kanilang nasasakupan, kailangan talagang mawala muna sa programa si Wally, lalo na’t pinagpipistahan pa ang kanyang sex video.
Sa ilang buwan din niyang pagkawala sa Eat Bulaga ay siguradong naramdaman ni Wally ang hirap ng mawalan ng trabaho, hindi biro-biro ang ganu’n, lumilipas ang mga araw na walang nangyayari sa kanyang buhay.
At dahil magaling ngang komedyante-TV host si Wally ay palaging meron siyang babalikan. Meron at meron pa rin siyang pupuntahan dahil hindi naman madaling makita sa ibang personalidad ang talentong meron siya.
Tama ang kanyang ginawa, humingi siya ng paumanhin sa mga taong nagtiwala sa kanya, humingi rin siya ng sorry sa publikong sumusuporta sa tambalan nila ni Jose Manalo.
May nagagawang milagro ang pagpapakumbaba, maganda ang kalooban ng ating mga kababayan sa mga taong tumatanggap sa kanilang mga kakapusan at kalabisan, tulad ni Wally Bayola.
Nu’n ay pansamantala ring nawala sa noontime show si Jose Manalo, pero hindi ‘yun dahil sa kanyang kagagawan, nadamay lang ito sa kontrobersiya nang dahil sa kanyang misis na nasangkot sa kung ano-anong isyu ng pagkakautang.
Kumpleto na uli ang Eat Bulaga, wala nang kulang sa ating pananghalian, mula Aparri hanggang Jolo na naman ang tuwang ibibigay sa atin ng paborito nating noontime show.
Maligayang pagbabalik, Wally Bayola!
( Photo credit to E Santiago )