Sa halos 10 taon ng pagiging guro ay nagabayan ni Chef Gene Gonzalez ang mahigit na 700 estudyante ng Center for Asian Culinary Studies (CACS) upang maabot nila ang kanilang mga pangarap.
Karamihan sa mga tinuruan ni Chef Gene ay mga chef na rin at karamihan sa kanila ay nagtatrabaho sa mga pangunahing restaurant, hotel at cruise ships. Ang iba naman ay nakapagpundar na ng sariling negosyo at nakapagtayo na ng kani-kanilang restaurant.
Ngunit may natatangi at kahanga-hangang disipulo si Chef Gene na sumunod sa kanyang mga yapak, ito ay si Chef Lawrence Zafra.Bitbit ni Chef Lawrence ang vision ni Chef Gene sa pagpapaunlad ng pagkaing Pilipino.
Kasama ang kanyang kabiyak na si Camille, bilang school administrator, kanilang itinatag ang branch ng CACS sa Dasmariñas, Cavite, noong 2012.
Layunin ng CACS ay mag-alay sa kanilang estudyante ng pinakamataas na antas ng TESDA accreditation para sa commercial cooking sa buong lalawigan ng Cavite.
Nag-aalay sila ng Diploma in Professional Culinary and Pastry Arts, isang 12-month course na dinisenyo para sa mga indibidwal na nais gumugol ng panahon sa pagsasanay sa iba’t ibang mga estilo ng pagluluto at baking.
Isa sa kanilang mga flagship program ay isang kurso na ginawa para sa mga OFW na nais maghanapbuhay sa ibayong dagat at cruise ships. Ito ay 12-day session course na binubuo ng basic culinary course at baking.
Sinasanay dito ang mga kalahok sa programa sa maikling panahon upang makamit nila ang NC-2 accreditation mula sa TESDA, isang mahalagang requirement upang makapagtrabaho sa ibang bansa.
Open House
Kamakailan ay binuksan ng CACS ang kanilang pintuan para sa kanilang mga kaibigan at sa mga bisita na may nais mag-enroll dito. Nagpakitang gilas ang mga estudyante ng CACS ng kanilang talento sa pagluto at sa baking.
Kapansin-pansin ang mga alay nilang mga putahe dahil gumamit sila ng mga sangkap na mula sa Cavite upang maipakita nila ang iba’t ibang maaari nilang gawin dito.
Unang’una rito ay ang kesong puti at langgonisang Imus na ginawa nilang bruscheta, isang kilalang Italian dish na kinakain bilang appetizer.
Kanilang inilagay ang kesong puti sa kalahating pandesal at pinatakan ng honey; samantala ang longganisang Imus ay prinito at hiniwa ng pahalang at inilagay din sa pandesal na may lahok na zucchini at kamatis na tinusta.
Ang pandesal na kanilang ginamit ay mula sa Malen’s Bakeshop ng Noveleta, Cavite. Mayroon din penne pasta with gourmet tuyo na ang luto ay estilong “putanesca” na nilahukan ng mushrooms, olives, canned tomatoes, zucchini, bell pepper, at garlic.
Tampok dito ay ang gourmet tuyo na hinibla at niluto sa olive oil at brandy na ginawa ni Sian Castañeda. Ang gourmet tuyo ay maaaring mabili na nakabote mula sa CACS.
Tampok din ang chicken tikka masala with pita bread, calandracas, isang sopas na tanyag sa Cavite at iba’t ibang panghimagas tulad ng home-baked style cookies, kutsinta mula sa imus, maja blanca, tibok-tibok, strawberry short cake.
Ngunit ang pinakamasarap na panghimagas ay ang “fried halo-halo”, turon na may saging na saba, halayang ube, minatamis na beans, langka at makapuno!
Nagsimula ang programa sa isang coffee/barista demonstration na pinangunahan ni Jennifer V. Madero, Senior Sales Supervisor ng Blu Coffee Distributors, ang namamahagi ng La Cimbali coffee machines sa Pilipinas.
Pinamalas sa amin ni Jennifer ang kasaysayan ng kape at kung paano ito gawin nang tama at mainam. Ipinaliwanag din niya ang iba’t ibang uri ng coffee beans at ang sari-saring pagtimpla nito tulad ng espresso, macchiato at americano.
Samantala, nagbigay ang inyong lingkod ng isang maikling lecture tungkol sa mga malapit nang malimot na lutuing Caviteño at kung paano pasiglahin itong muli.
Cooking Demo
Hindi pahuhuli sa pagpapakitang- gilas sa pagluluto si Chef Lawrence. Pinamalas niya sa amin ang pagluluto ng “adobong talunang manok” na kanyang inimbeto para sa mga natalong manok sa sabong at para sa mga sabungerong umuwi nang luhaan.
Gumawa rin siya ng “pancit puti”, isang uri ng pancit na ang lahat ng sahog ay kulay puti, at ng “fried halo-halo” na talaga namang kinagiliwan ng lahat. Abangan ang natatanging resiping ito sa mga susunod na sipi.
Naging matagumpay ang “open house” na halos tumagal ng pitong oras! Hindi kami nabugnot dahil bukod sa masarap ang mga hinandang pagkain, pinatawa at pinaligaya kami ng host na si Jon Luna.
Bagamat maliit pa lamang ang campus ng CACS, malaki ang maiaambag nito sa pagpapaunlad ng edukasyong kulinarya sa lalawigan ng Cavite.
Malawak ang kaalaman ng mga guro at kagawaran ng CACS kaya hindi malayo na tatanghalin ito bilang isa sa mga pangunahing culinary training schools sa darating na panahon.
Pasta with Gourmet Tuyo
Ingredients
1 200 grams bottle Sian the Tuyo in Brandy Olive Oil
1/2 cup button mushroom, sliced
1/4 cup olives, sliced
1 320 grams diced canned tomatoes
1 zucchini, grilled and sliced
2 medium red bell pepper, grilled, snd sliced
1 big white onion, choped
1 garlic, minced
Penne pasta or spaghetti
Procedure
Cook the pasta according to package instructions. Sauteé garlic and onion in olive oil, or use the oil from the bottled gourmet tuyo. Add the tuyo, and sauteé gently for 2 minutes.
Add the tomatoes, followed by the mushrooms, olives, zucchini and bell peppers. Simmer for 10 to 15 minutes until flavors blend. Plate the pasta individually and toss the sauce. Top with parmesan cheese and serve.