San Mig target ang Finals

Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
8 p.m. Barangay Ginebra vs San Mig Coffee

IBABAON na ng San Mig Coffee ang Barangay Ginebra San Miguel sa kanilang pagtatagpo sa Game Six ng PLDT  myDSL PBA Philippine Cup best-of-seven semifinals series mamayang alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Naungusan ng Mixers ang Gin Kings sa Game Five, 79-76, para sa 3-2 kalamangan sa serye. Kung makakaulit sila mamaya ay makakaharap na nila ang Rain or Shine sa best-of-seven championship round simula sa Miyerkules.

Pero kung maitatabla ng Gin Kings ang serye ay magkakaroon ng sudden-death match para sa karapatang hamunin ang Elasto Painters. “It’s been a big battle of wits for both teams on and off the court.

It’s hard to stay calm. I’m just happy my team is part of this series. We’re up by one game. Does not mean that much but we could finish it off in Game Six. We hope so,” ani San Mig Coffee coach Tim Cone.

May karapatang mabahala si Cone dahil sa hindi naman convincing ang mga panalo ng Mixers sa Gin Kings sa serye.
Ninakaw nila ang Game One, 85-83, at nagwagi sa Game Three, 97-89.

Sa Game Five ay nagbida si James Yap nang magbuslo siya ng triple upang palamangin ang Mixers, 78-76. Sa sumunod na play ay hard drive ang hiningi ni Gin Kings coach Renato Agustin sa kanyang mga bata,

Ginawa naman ito ni LA Tenorio subalit nadepensahan siya ni Mark Barroca. Bunga nito’y napuwersa siyang gumawa ng hook shot na tumama sa gilid ng board.

Matapos ang split free throws ni Justin Melton ay puwede pa sanang mapuwersa ng Gin Kings sa overtime ang Mixers. Subalit imbes na tumira ng isang three-point shot ay nag-drive si Tenorio at nagmintis.

Mas balanse ang naging opensa ng Mixers dahil lima sa kanila ang nagtapos nang may double figures sa scoring. Gumawa ng 14 puntos si Barroca at 12 puntos si Marc Pingris samantalang nag-ambag ng tig-10 puntos sina Rafi Reavis, Peter June Simon at Yap.

Nagtala ng game-high 20 puntos si Chris Ellis subalit tanging si Jay-R Reyes ang Gin Kings na nag-ambag ng double figures sa 11 puntos. Nagtapos nang may tig-siyam sina Gregory Slaughter at Japeth Aguilar.
Sa kabila ng kabiguan, naniniwala si Agustin na kaya nilang itabla ang serye at mapuwersa ang sudden-death match. Ang iba niyang aasahan ay sina Mark Caguioa, Jayjay Helterbrand at Mac Baracael.

( Photo credit to PBA Images )

Read more...