John Lloyd umaming kakilala si Cedric Lee, pero…


Inamin ni John Lloyd Cruz pagkatapos naman ng presscon ng Home Sweetie Home sa ilang press na kakilala niya si Cedric Lee, ang diumano’y bumugbog kay Vhong Navarro sa condo ni Deniece Cornejo.

“Kakilala ko ‘yun kasi nga when I was still with Shaina (Magdayao) parang inabutan ko pa ‘yung relasyon nila ni Vina (Morales).

“Nakikita ko siya sa family gatherings nila (Magdayao), parang on a regular basis, nakikita ko siya,” sey ng aktor.
Nadadawit si Lloydie sa isyu nina Vhong at Cedric dahil naka-engkuwentro na rin daw ito ng aktor noon, pero madiin niya itong itinanggi, “You know, ayoko nang pahabain pa talaga, ‘coz it’s a very sensitive issue, may kaso na sa korte, so ayoko nang magbigay ng kahit na anong comment,” ani  JLC.

Dagdag pa, “Tumatakbo na ‘yung kaso nila, I think it’s best na huwag na lang ako magbigay ng kahit na ano (comment) kasi hindi naman importante, wala naman akong dapat sabihin tungkol diyan.

“Kasi sensitibong kaso ‘yan para sa kaibigan ko, hindi madali ‘yung pinagdadaanan ng kaso, pinagdadaanan niya, kaya ako naman hindi naman nagkukulang ng pagsabi (paalala) sa kanya na, Ako, nandito ako, kami nasa tabi niya.”

Inamin din ni John Lloyd na dumalaw siya kay Vhong nu’ng nasa hospital pa ito at parati silang nagkaka-usap, “Regular kaming nakakapag-usap.  Kanina (Huwebes ng tanghali), magka-text kami, masaya ako at nakauwi na siya.”

Natanong ang aktor kung posible rin bang gawin niya ang ginawa ni Vhong kung sakaling sa kanya naman mangyari ito? “Oo naman, kasi kahit sinong nasa tama, I mean hindi naman kinakahiyang sabihin ng kaibigan ko na nagkamali siya sa girlfriend.

Hindi naman siya nagmamalinis, pero hindi naman tama ‘yung sinapit niya. At humahanga ako na pinanindigan niya kasi hindi madali ‘yun,” pag-amin ng binata.

Isa pang kinlarong isyu ni Lloydie ay nakita raw silang nag-inuman ni Coco Martin kamakailan. “Nagkaroon kasi ng party after ng Trade Event (sa MOA) at nagkita lang kami roon, so nag-catch up lang, hindi pa kami nagkikita ulit.

Pero plano naming magkita ulit, dami naming plano, para kaming mag-syota,” birong sabi ng aktor. Samantala, sa darating na Araw ng mga Puso, “Hinintay ko talaga ang Valentine’s day na ito, matagal itong pinagplanuhan, yes on February 14, that’s a Friday, may taping ako (Home Sweetie Home). May taping po kami.”

Wala silang date ni Angelica Panganiban? “Sabi ko nga, sa buhay namin araw-araw ay parang Valentine’s day, saka mahirap ding sumabay, traffic!” salo kaagad ng aktor.

Anyway, nagpasalamat naman si Lloydie sa mga sumusubaybay sa Home Sweetie Home nila ni Toni tuwing Linggo dahil nga pinataob nito lahat ng programang katapat at parating nagte-trending, “Mataas ‘yung audience share namin kaya maraming salamat po, hindi namin inaasahan ito, kaya maraming salamat.”

( Photo credit to Google )

Read more...