Vhong Navarro itatago

NAKALABAS na ng ospital ang TV host at komedyanteng si Vhong Navarro kahapon, dalawang linggo makaraan itong kuyugin ng grupo nina Cedric Lee at Deniece Cornejo.

Alas-12:20 ng hapon nang lumabas si Navarro sa St. Luke’s Medical Center at sinalubong ng sangkaterbang fans at miyembro ng media.

Nangingitim pa rin ang paligid ng mata at may benda ang braso ni Navarro na nakuha niya sa ginawang pananakit ni Lee at mga kasama nito noong gabi ng Enero 22.

Nagpaunlak naman si Navarro ng maikling pahayag sa publiko kung saan nagpapasalamat siya sa mga sumusuporta at naniniwala sa kanya.

“Ayoko na pong maulit ito. Salamat sa lahat, sa lahat-lahat ng suporta n’yo,” ani Navarro. Dumiretso ang grupo ng TV host sa Department of Justice tice (DOJ) kung saan niya sinumpaan ang kanyang testimonya sa naganap sa condo unit ng part-time model na si Cornejo sa Forbeswood Heights Condominium sa Taguig.

Iniulat ng Inquirer Radio 990AM na hindi ididiretso sa kanilang bahay si Navarro dahil sa banta sa kanyang buhay. Hindi naman sinabi ng manager ng TV host na si Chito Rono kung saan pansamantalang tutuloy ang kanyang alaga.

Matatandaang patong-patong na kaso ang isinampa ni Navarro laban sa grupo nina Lee at Cornejo kabilang ang serious physical injuries, illegal detention at blackmail.

Binuweltahan naman siya ng kasong rape ni Cornejo.

( Photo credit to INS )

Read more...