OFW, bagahe di nakarating sa bansa

NAGPADALA ng mensahe si Joevilyn Argamosa ng Bauan, Batangas sa pamamagitan ng Facebook account ng Bantay OCW na may kinalaman sa biyenang OFW.

Umalis sa bansa noong 1982 si Arthur patungong Riyadh, Saudi Arabia. Mahabang panahon siyang nagtrabaho doon hanggang isang sulat ang natanggap ng kaniyang asawa na uuwi na ‘anya siya at hindi na babalik ng Saudi.

Nagpasabi na rin siya na mauuna na raw ang kanyang mga bagahe sa bansa at saka na lamang siya susunod, for good na raw siyang mananatili sa Pilipinas. Umasa naman ang misis na darating na ang mister.

Ngunit maraming taon ang lumipas, walang dumating. Maging ang sinasabing bagahe na mauuna na raw sa kanya sa bansa ay hindi rin dumating. Wala na ring komunikasyon ang pamilya sa kaniya.

Makalipas ang 10 taon, nagtungo ang maybahay ni Arthur sa tanggapan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at nalaman nila, ayon sa record, umuwi ang kaniyang mister noong 1992.

Sa kabila ng impormasyong nakalap mula sa OWWA, magpahanggang ngayon, 2014 na, hindi pa rin nila nakikita ang kapamilyang OFW na si Arthur. Kung anuman ang nangyari sa kaniya, walang nakaaalam.

Kung sino man ang nakakakilala kay Arthur, magpasabi na lamang sa pamilya dahil hanggang ngayon patuloy siyang hinahanap ng mga ito.

Kontratang Di Nasunod sa Saudi!

Reklamo naman ni Jeffrey Parungao na niloko siya ng ahensiyang nagpaalis sa kaniya. Nais niyang makuha ang dalawang buwang sahod niya pati na ang tatlong buwan pang kulang sa kaniya nang magtrabaho siya sa Saudi Arabia.

Binago ‘anya ang kontrata niya, pati na ang trabahong papasukan at susuwelduhin niya. Walang nasunod sa orihinal na kontratang napirmahan sa Pilipinas. May kopya ‘anya siya ng kontrata na prinoseso sa POEA. Nais makuha ni Jeffrey ang kakulangan sa kaniyang pinagtrabahuhan.

Ayon sa batas, may pananagutan ang ahensiyang nagpaalis sa kaniya sa buong panahon nang kaniyang pag-aabroad. Ang contract violation o contract substitution ay isang anyo ng illegal recruitment.

Pananagutin ng POEA ang ahensiyang ito. Kinakailangan lamang na magsampa na ng kaukulang reklamo si Jeffrey sa POEA laban sa ahensiya. Kung money claim naman, sa National Labor Relations Commission (NLRC) rin siya dapat magreklamo . Ang ahensiya ang siyang pagbabayarin sa mga salaping hindi nakuha ni Jeffrey.

Kasunduan sa Bantay OCW bago umalis si Mister

Nabasa ni Anna Lyn sa Inquirer Bandera ang kasunduang naganap sa pagitan ng OFW at misis nito hinggil sa regular na buwanang suporta na dapat niyang ipadadala kay misis.

Nakikiusap si Anna Lyn kung pupuwedeng dito na rin sa studio ng Inquirer Radio sila magharap ng magbabakasyong mister, upang matulungan naming pagkasunduin sila sa buwanang remittance ni mister kay misis. Natatakot itong wala nang makararating sa kanilang pamilya, dahil may ibang kinakasama na sa Dubai ang asawa at balita niya’y may anak na ang mga ito doon.

Titiyempuhan niya ang pag-uwi ng asawa at nais niyang imbitahin sa Bantay OCW.

Gayong personalan na ang bagay na ito, handa naman naming tulungan si Anna Lyn tulad ng dati, kaagapay ang ating resident mediator ng Bantay OCW na si Zaldy Viches mula sa Philippine Mediation Foundation, Inc.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 10:30 am 12:00 noon, live streaming www.ustream.tv/channel/dziq. Helplines: 0927.649.9870 / 0920.968.4700 E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com

Read more...