Vhong ‘nakasuntok’ uli sa grupo nina Cedric at Deniece; mas lumakas pa ang kaso sa NBI

VHONG NAVARRO AT DENIECE CORNEJO

Kuwento ng aming mga impormante ay medyo maayos-ayos na ang kundisyon ngayon ni Vhong Navarro. Medyo humuhupa na ang pamamaga ng kanyang mukha, pati ang magang-maga niyang ilong na inoperahan dahil sa pagkabali ng buto, pero tuloy-tuloy pa rin ang gamutan.

“Parang mga eksena sa pelikulang napapanood natin ang nangyari sa hospital room niya. Maraming nagdaratingang imbestigador, kaaalis lang ng isang grupo, may kasunod na naman.

“Nakakatayo na siya ngayon, nu’ng huling nagpunta ang mga NBI agents sa room niya, nakapaglalakad na siya nang paunti-unti. May ipinakita kasing footage sa kanya ang mga taga-NBI, ‘yung itsura ng binuksan nilang condo unit kung saan nangyari ang bugbugan.

“Para maging tugma ang mga sinasabi niya, hindi muna ipinakita sa kanya ang footage, narration muna ang ginawa niya. Nagswak ang narration niya sa nakunang footage ng mga agents ng NBI.

“Pati ‘yung pinagpatungan niya ng supot ng food na hiningi sa kanya ni Deniece (Cornejo), nagtugma, lahat ng sinabi ni Vhong, eksaktong ‘yun ang nakunan ng NBI. Very consistent ang mga kuwento ni Vhong,” pahayag ng aming source.

Mahihirapan talagang dumepensa ang kampo nina Deniece Cornejo at Cedric Lee sa mga kasong isinampa ni Vhong laban sa kanila, taliwas kasi sa katotohanan ang mga unang kuwentong pinalabas ng dalawa, lalo na ang kanilang sinabi na nahuli ni Cedric Lee si Vhong na pinagsasamantalahan si Deniece.

“May nauna nang dalawang lalaki sa unit, ‘yung nanakit agad kay Vhong pagpasok pa lang niya, kaya paano niya mare-rape si Deniece?” pagkontra ng aming source.

Mabilisan ang ginagawang imbestigasyon sa pagkakabugbog kay Vhong Navarro, siguradong magiging mabilis din ang paggulong ng hustisya para sa actor-dancer-TV host, nasa kanya pa rin ang huling halakhak ngayon.
Sa totoong-totoo lang.

Read more...