Tinutukan namin nu’ng Martes nang gabi ang unang sultada ng TV5 para sa pampelikulang palabas para sa telebisyon ng network, ang Studio 5 Original Movies, ang “The Lady Next Door” na pinagbidahan nina Alice Dixson at Mark Neumann.
Sa kabuuan ay maganda ang pagkakabuo ng palabas, nakakawala ng stress ang ganda ng ginamit nilang resort sa La Union, maigsi man ang role ay mahuhusay ang kanilang mga artista.
Wala talagang kupas ang ganda ni Alice Dixson na tinernuhan naman ng sariwang kaguwapuhan ni Mark Neumann. Hindi namin hahanapan ng milagro ang pagganap ng bagets na si Mark, pero para sa isang baguhang tulad niya, tama ang sinabi ni Direk Joel Lamangan na hindi lang siya basta guwapong mukha dahil marunong din siyang umarte.
Totoong marami pang pagdadaanan ang batang aktor, marami pa siyang kailangang matutuhan, pero ang positibong punto ay tinanggap niya ang hamon na makasabayan sa pag-arte ang mga datihan nang artista.
Maraming kababaihang bagets ang tumutok sa “The Lady Next Door” dahil kay Mark Neumann, pero marami ring bagets na lalaki ang nanood ng palabas dahil kay Alice Dixson, wala pa ring pagbabago ang karisma ng aktres at sa totoong-totoo lang ay matindi pa rin ang kanyang asim sa mga kabataan.
Sa susunod na Martes ay kikiligin naman ang mga tagahanga nina Tirso Cruz III at Nora Aunor sa “When I Fall In Love”. Sana nga ay hindi lang ngayong buwan ng Pebrero gawin ng TV5 ang ganitong atake, mas madalas pa sana, dahil napakasarap manood ng mga kuwentong tapusan na de kalidad ang pagkakagawa. Maligayang bati sa pamunuan ng TV5.
( Photo creit to Google )