Gawa, hindi ngawa

SA wakas ay nakahalata na rin ang Kamara de Representantes na puro lang sila ngawa at kulang sa gawa.  O talagang walang gawa.

Mahirap nga naman ang magtrabaho.  Nakapapagod ito, nakapupuyat.  Tulad ng sinasabi sa nakalaylay sa estribo ng pampasaherong jeepney, “Di baleng tamad, hindi naman pagod.”

Nakalulungkot na tamad ang karamihan sa ating sinusuwelduhang mga kongresista, gayung kailangang kayod-kalabaw ang arawang obrero, na bukod sa kinuba na sa withholding tax ay bubuwisan pa ang kanilang kontribusyon sa Social Security System.

Pero, masipag sila, ang mga kongresista, sa ngawa.  Madali lang kasi ang ngawa dahil palaging may laman ang kanilang sikmura.  Mantakin na lang, na ngawa sila nang ngawa sa malamig na silid, may pagkain na (di sila sumasala), may security pa; may driver na, may staff pa; kapag sumunod sa kumpas ng Palasyo, may milyones pa.

Ang papansin (grandstanding) ang bagong trabaho na di kaya ng arawang obrero.  Ang pagsakay sa isyu para mapasama sa biyahe ng malalaking balita ay lalong imposibleng gawin ni Juan taumbayan.

Mabuti naman at nakahalata na si House majority leader Neptali Gonzales II: hayaan na lamang ng mga kongresista ang kaso ni Pampanga Rep. Gloria Arroyo sa korte at “harapin na ang kanilang trabaho (anang balita).”

Para kay Gonzales “immaterial” ang anumang ngawa, daldal, ngakngak at papansin ng mga kongresista “dahil ang korte na ang magdedesisyon base sa mga ebidensiya (anang balita).”

“Ang appeal din naman namin, now that the issue is already in the courts, siguro hayaan na natin ang korte doon so that each and every institution can go back to their work… Wala na tayo rito.

Panay sound bites na lang tayo rito,” ani Gonzales.  Isa pa sa nagising pagkatapos ng sanlinggong tulog habang ipinaghehele ng araw-araw na balita hinggil sa pagpigil at pagpapaaresto kay Arroyo ay si Speaker Feliciano Belmonte Jr.

Nagising si Belmonte na napabayaan na ng Kamara ang mga economic bills.  “We do realize that we have to keep the pressure on the economic bills. Hindi naman puwedeng itong issue lang na ito ang aming tatalakayin. We have to get on to other things on the agenda,” pahayag ni Belmonte sa mga reporter.

Kung marami ang nagugutom at walang trabaho sa Metro Manila, mas kalunus-lunos ang nangyayari sa kanayunan.  Simula 9%, umakyat ng 62% ang kahirapan, ayon sa SWS.

Palpak ang Conditional Cash Transfer, o ang pamumudmod ng pera sa mga tamad.

Gayunpaman, may pagkakaiba nga ang tamad sa Kamara at sa tamad sa kanayunan.  Kitang-kita.

 

Read more...