MASAMA bang manalo sa raffle?
Kumalat sa social networking site ang pagdududa sa pagkapanalo ni Makati City Rep. Mar-Len Abigail Binay ng condominium unit sa Christmas raffle ng Rockwell.
Sabi ng mga netizen may idadagdag na namang property si Binay sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth—ang listahan ng kanilang yaman.
Pero itinanggi ni Abigail, anak ni Vice President Jejomar Binay, na nagkadayaan sa raffle.
Nag-shopping siya sa Power Plant Mall sa Rockwell bago natapos ang 2013 kaya siya nagkaroon ng raffle coupon.
Ang P2,500 halaga ng pinamili ay may katumbas na isang raffle tiket.
Sabi nga sa isang bahagi ng commercial, the more raffle tickets you have, the more chances of winning.
Hindi naman siguro nakakapagtaka kung maraming raffle coupon ang makuha ni Binay dahil may pambili naman siya.
Ilan nga ba ang raffle ticket ni Cong. Binay?
Kumbaga ay mas malaki ang tiyansa niyang manalo kung marami siyang napamili sa Power Plant Mall.
Pagbibiro nga ni Binay, kung mandadaya siya sana sa lotto na lang. Mas malaki pa.
Ang pinakamaliit na jackpot prize sa lotto ay P6 milyon, ang condo na napanalunan niya ay P5 milyon ang halaga.
Kung dinaya nga naman daw ang raffle, di sin sana hindi na ito naibalita pa.
At kung hindi si Binay ang nanalo, marahil ay walang ganitong usapin.
Baka nga naman totoo na sinuwerte si Binay sa pagpapagulong siya ng kiat-kiat (yung maliliit na orange) noong bespiras ng Bagong Taon.
Baka kung alam ni Cong. Binay na ito ang maghahatid sa kanya ng suwerte baka kaing-kaing na kiat-kiat ang pinagulong niya para penthouse ang napuntang unit sa kanya.
Ang pagkakapanalo ni Binay ay maituturing na panibangong bersyon ng istorya ng condo.
Ang una ay ang pagkakabugbog ng aktor na si Vhong Navarro sa condo ni Deniece Cornejo.
Mukhang usong-uso ang condo story ngayon.
Sino kaya ang iimbitahin ni Cong. Binay sa kanyang condo? At magdadala kaya siya ng “food” at “wine”?
Kung meron man, mukhang matatagalan pa ito dahil sa 2015 pa maaaring matirahan ang condo, hindi pa kasi ito tapos gawin.
Sa San Mateo, Rizal, isang bayan na nakakabit sa Quezon City, parang nakatali ang kamay ng mayor na si Paeng Diaz kaya trapik sa Gen. Luna street.
Kung pinaghuhuhuli sana kasi ang mga pampasaherong jeepney na kung saan-saan na lamang humihinto para magsakay at magbaba ng pasahero eh malamang na mas maluwag ang daloy ng trapiko.
Mapapansin rin sa Gen. Luna st., ang dalawang klase ng driver. Yung isa ay ang mga ‘patok’ na driver na sinasakyan ng mga male-late na sa trabaho at klase kahit alam na mas malaki ang tyansa na sila ay maaksidente.
Ito yung klase ng driver na ‘lumilipad’ sa opposite lane at sisiksik pabalik kung may makakasalubong na. Ito yung tipo na hindi ka na kailangang mag-brow-dry ng buhok dahil tiyak matutuyo sa sobrang bilis ng sasakyan.
Ang isa pa ay yung tipo naman na matutuyo na ang buhok mo sa sobrang tagal ng biyahe. Hindi naman mabagal yung driver magmaneho kaya lang hinihintuan niya lahat ng kanto kahit na walang pumapara—sasakay man o bababa.
Sila yung tipong kinaiinisan ng mga sasakyan na nakabuntot sa kanila dahil hindi tumatabi para hindi maka-overtake ang ibang sasakyan na ginagamit niyang pangharang sa ibang jeepney na kung mauuna sa kanya ay maaagawan siya ng pasahero, kahit hindi na maka-upo yung huling pasaherong sumakay.
Hoy gising-gising mga traffic enforcer.
Manghuli naman kayo.
Dagdag pa diyan yung mga nagmo-motorsiklo na wala na ngang suot na helmet, dalawa o higit pa ang angkas.
Hoy mga traffic enforcer, gising-gising din pag may time. Sa harap na ninyo dumaraan yung mga lumalabag sa batas-trapiko hindi nyo pa rin nakikita.