WALANG nasira o nagalaw na mga kagamitan sa loob ng condo unit ni Denience Cornejo tulad ng naging pahayag ng grupo ni Cedric Lee kung kaya sinisingil nga nila ng P1 million si Vhong Navarro matapos ang naganap na madugong bugbugan kamakailan.
Sa report ng Inquirer Radio kahapon, ayon sa National Bureau of Investigation, walang nasira na anumang gamit sa loob ng condo noong gabi ng Jan. 22 kung saan nga walang awang binugbog nina Cedric ang TV host-comedian.
Ito’y matapos ngang puntahan at gumawa ng inspeksiyon at imbestigasyon ang NBI kasama ang unit owner na si Mrs. Soledad Ramos na nagparenta naman sa isang Malaysian na kinilalang si Mr. Greg Binunus.
Pati nga raw ang dalang pagkain ni Vhong nu’ng gabing maganap ang diumano’y tangkang panggagahasa ng komedyante kay Deniece ay hindi rin nagalaw.
Samantala, isang lookout bulletin order naman ang hiniling ng kampo ni Deniece laban kay Vhong. Ang lookout bulletin order ay para ialerto ang Bureau of Immigration sa posibleng paglabas ng bansa ng mga taong may kinakaharap na kaso.
Ayon sa report ng GMA News kahapon, (News To Go), umapela si Deniece sa NBI at Department of Justice para sa pagpapalabas ng lookout bulletin order laban sa komedyante.
Ito’y para masiguro na hindi tatakasan ni Vhong ang rape charges laban sa kanya. Sey ng abogado ni Deniece na si Atty. Howard Calleja, “I think it’s just just na harapin din ni Vhong Navarro, siguraduhin din na haharapin niya ang kasong rape na laban sa kanya.
“So, kung nakitang ipinaskil ang mga kliyente ko, e, dapat ipaskil din yung picture niya sa lahat na siya rin ay may kaso ng rape para patas lang.”
Nitong nakaraang linggo, nagpalabas ang DOJ ng lookout bulletin order laban kina Deniece at Cedric Lee.