PINATULOG ni Rey “Hitman” Loreto ang dating world champion Nkosinathi Joyi ng South Africa sa ikatlong round para kunin ang bakanteng International Boxing Organization (IBO) light flyweight title noong Sabado sa Monte Carlo, Monaco.
Sakto ang binitiwang matinding kaliwa ng 23-anyos na si Loreto matapos ang sablay na left hook ni Joyi para bumuwal ito sa ring.
Hindi na nakarekober pa ang dating International Boxing Federation (IBF) minimumweight champion para ideklara ni referee Andile Matika na nanalo si Loreto sa pamamagitan ng knockout sa 49 segundo ng nasabing yugto.
Naging problema ni Joyi ang kaliwa ni Loreto at sa ikalawang round ay muntik na rin siyang bumulagta nang tamaan ito.
Dehado si Loreto dahil may 13 talo na siya habang si Joyi ay isang beteranong boksingero na natalo lamang ng dalawang beses sa naunang 27 laban.
Pero dalawang kabiguan niya ay nangyari sa huling tatlong laban na tila senyales na pababa na rin ang career ng 31-anyos South African boxer.
Si Loreto ang ikatlong Filipino champion sa light flyweight division matapos nina Donnie Nietes at John Riel Casimero sa World Boxing Organization (WBO) at IBF.