San Mig Coffee hinablot ang 2-1 lead sa Semis

Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
8 p.m. Petron Blaze vs Rain or Shine

MULING namayagpag ang backcourt ng San Mig Coffee para padapain ang Barangay Ginebra San Miguel, 97-89, sa Game Three ng kanilang PLDT myDSL PBA Philippine Cup best-of-seven semifinals series kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Muling nagbida para sa Mixers ang backcourt tandem nina Mark Barroca at Justin Melton para maiwanan ang Gin Kings sa huling yugto at iuwi ang 2-1 bentahe sa semis.

Si Barroca ay gumawa ng career-high 25 puntos para pamunuan ang San Mig Coffee.

Samantala, matapos na ma-solve ang misteryong Rain or Shine, hangad ng Petron Blaze na maitabla ang serye kontra Elasto Painters sa muli nilang pagkikita sa Game Four ng kanilang best-of-seven semifinals series mamayang alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Tinambakan ng Boosters ang Elasto Painters, 106-73, sa Game Three noong Sabado upang ibaba ang abante ng Rain or Shine, 2-1. Ito ang kauna-unahang panalo ng Petron Blaze sa Rain or Shine sa kasalukuyang season.

Magugunitang tinuldukan ng Rain or Shine ang seven-game winning streak ng Petron, 99-95, noong Disyembre 21. At sa semis ay napanalunan ng Elasto Painters ang Game One (104-95) at Game Two (103-94) upang makumpleto naman ang 10-game winning streak.

“It feels good to finally get our first win in the semis,” ani  Petron Blaze coach Gelacio Abanila III.

“In Game One, we were surprised by the physicality of Rain or Shine. We adjusted in Game Two and played well. We were unable to finish what we started. But in Game Three, we were patient.”

Hindi si June Mar Fajardo ang naging pangunahing offensive weapon ng Petron sa first half ng Game Three. Sa halip ay pumasok ang mga outside shots nina Arwind Santos, Alex Cabagnot, Chris Lutz at Marcio Lassiter para makaarangkada kaagad ang Boosters.

Patuloy ding napigilan ng Petron ang running game ng Rain or Shine. At dahil sa hindi kay Fajardo napupunta ang plays ay nahirapan ding dumepensa ang Elasto Painters.

“June Mar is slowly adapting to the scheme of things in the semis. He will not lose it. He has learned to control his temper and that will be good for us,” ani Abanilla.

Nakatulong din sa magandang opensa ng Petron sina Doug Kramer at Chris Ross. Sa kabilang dako, pumugak naman nang husto ang opensa ng Rain or Shine.

Sina Jervy Cruz at Jeff Chan ay gumawa lang ng tig-isang puntos. Sina Ryan Araña at Gabe Norwood ay nalimita sa tig-walong puntos.

Ang Elasto Painters ay pinamunuan ng mga big men nila. Nagtala ng 14 puntos si Beau Belga samantalang gumawa ng tig-10 puntos sina JR Quinahan at Raymond Almazan.

Umaasa si coach Joseller “Yeng” Guiao ana makakabawi ang Rain or Shine sa pagkatalo at mapipigilan na makatabla ang Petron. Sakaling makatabla ang Boosters ay malilipat na sa kanila ang momentum. Hangad ni Guiao na maihatid muli sa Finals ang Rain or Shine upang mabuhay ang pag-asang makamtan niya ang kauna-unahang kampeonato niya sa Philippine Cup.

Ang magwawagi sa seryeng ito ay makakalaban ng mananalo sa serye ng Barangay Ginebra at San Mig Coffee sa best-of-seven Finals.

( Photo credit to INS )

Read more...