Vice Ganda ayaw pagbatiin sina Ai Ai at Kris: Ayokong makialam!

 

VICE GANDA, AI AI DELAS ALAS AT KRIS AQUINO

AYAW makisawsaw ni Vice Ganda sa alitan ng mag-friendship na sina Kris Aquino at Ai Ai delas Alas. Kaya naman tumanggi si Vice na mabigay ng anumang pahayag nu’ng makausap namin siya kamakailan.

“Wala rin akong posisyon kasi, unang-una hindi ko alam kung gaano ba kalalim ang tampuhan nila, ano ba ang pinagmumulan?

Ayokong dumawdaw kasi kung may tampuhan at kung mas marami ang dadawdaw baka lumaki pa. Syempre wala sinuman sa atin ang may gustong mag-away naman talaga sila,” pahayag ni Vice, Matatandaan na nagtampo si Ai Ai kay Kris nu’ng namatay ang biological mother ni Comedy Queen. Ni hindi man lang daw siya tinext ni Kris para makiramay sa kanyang pagdadalamhati.

At wala rin itong ipinadalang bulaklak sa burol ng ina ni Ai Ai. “E, kasi nasa London siya. Ay, ayoko na ring mag-comment.

Nu’ng sinabi nila na nagtatampo si Ai Ai, sabi ko, hindi ko alam kung nagtampo siya sa akin. Feeling ko naman hindi kasi nagpadala ako ng flowers. And I prayed for her mom,” sabi ni Vice. Wala ring balak si Vice na mag-intercede sa dalawa para magkabati. “Kasi unang-una, okey kami ni Ate Ai as in friends kami. Pero hindi kami ‘yung friends na friends na friends, ‘di ba?

Nahihiya naman akong makialam dahil baka sabihin, ganu’n ba tayo ka-tight para maki-ano ka? Kaya na nila ‘yun. Ang ma-mature na nila at malalim na ang pinagsamahan nila,” esplika niya. And speaking of Ai Ai, balitang gagawa ulit ng movie ang Comedy Queen para sa Metro Manila Film Festival this year. And no less than the Star For All Seasons na si Gov. Vilma Santos ang makakasama niya sa pelikula. “Hindi ko alam kung may entry ako (this year sa MMFF), e. Kasi ako rin naman hindi ko alam kung kailan ako gagawa ulit ng pelikula pa. Tapos nu’ng huli kaming nag-usap, gusto kong gumawa ng pelikula na hindi filmfest this year. Pero hindi ko sinasabing hindi na ako gagawa ng movie para sa filmfest,” sabi ni Vice. Baka raw kasi masanay na lang ang mga tao na kapag filmfest na lang siya may pelikula. At kapag ‘di MMFF ipinalabas ang pelikula niya, e, ‘di raw panoorin.

“Gusto ko katulad nu’ng dati gaya nu’ng ‘Praybeyt Benjamin,’ ‘yung ‘This Guy’s In Love With You Pare,’ kahit hindi filmfest, pinapanood pa rin nila,” ngiti ni Vice. Gusto na raw makipag-meeting sa kanya ni Direk Wenn Deramas para sa susunod na

movie na gagawin nila. Pero tumanggi siyang makipag-meeting dahil gusto pa muna niyang magpahinga. “Hindi pa ako nakaka-recover sa stress ko nu’ng ‘Girl, Boy, Bakla, Tomboy.’ Gusto kong rumelax muna. TV muna. Gagawa ako this year pero hindi ko pa alam kung kailan nila balak i-showing.” Isa sa mga artistang nasa wishlist ni Vice na gusto niyang makasama sa pelikula ay si Vic Sotto. Noon pa mang tinanong siya ng Star Cinema tungkol dito sinabi na niya si Vic, “Kapag komedyante ka syempre, the people you look up to, sila ‘yung mga pangarap mong makasama.

Syempre pasok si Vic Sotto doon. Gusto ko siyang makasama,” anito. Ay, mas bongga kung isasama na rin si Vhong Navarro sa movie nila ni Vice if ever. Taray, huh! Triple V ang initial ng names ng mga bida. Any suggestion kung ano ang istorya ng movie for Vic, Vhong and Vice? Pero Bongga, di ba? Dalawa ang leading men ni Vice, huh! Ano kayang bagay na role kay Vice with Vic and Vhong? Any suggestions?

Read more...