Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
8 p.m. San Mig Coffee vs Barangay Ginebra
MATAPOS na masikwat ang Game One, tatangkain ng San Mig Coffee na magposte ng 2-0 kalamangan kontra Barangay Ginebra San Miguel sa pagkikita nila sa Game Two ng best-of-seven semifinals series ng PLDT myDSL PBA Philippine Cup mamayang alas-8 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Naungusan ng Mixers ang Gin Kings, 85-83, sa Game One noong Martes.
Sa larong iyon ay lamang ng isang puntos ang Gin Kings na mayroon pang ball possession at dalawang timeouts sa huling 32 segundo.
Napuwersa ng Mixers ang Gin Kings na sunugin ang dalawang timeouts bago natapik ni Joe Devance ang inbound ni Mac Baracael na tuluyang naagaw ni Mark Barroca. Ibinuslo rin ni Barroca ang go-ahead basket para sa San Mig Coffee.
Matapos sumablay ang Gin Kings sa sumunod na opensa ay sinelyuhan ni Marc Pingris ang panalo ng Mixers sa pamamagitan ng isang free throw.
“It can’t get any better than that,” ani San Mig Coffee coach Tim Cone matapos ang panalo. “There is no feeling of comfort in leading 1-0. All it does is give you the opportunity to dictate the series. It sets the tone for what you want to do.”
Bagamat pinamunuan ni Devance ang Mixers nang magtala ito ng 20 puntos, sinabi ni Cone na ang susi sa tagumpay ay ang magandang performance sa backcourt nina Barroca at rookie Justin Melton sa fourth quarter.
Pero umaasa si Cone na makakabawi ang two-time Most Valuable Player na si James Yap na nalimita sa limang puntos sa Game One. Si Yap ay susuportahan nina Peter June Simon, Rafi Reavis at Yancy de Ocampo.
Nakakaalarma naman ang sitwasyon ng Barangay Ginebra na bagamat naging No. 1 team sa pagtatapos ng elims sa record na 11-3 ay natalo ng tatlong beses sa huling apat na laro nito.
Magkaganito man ay kumpiyansa pa rin si Barangay Ginebra coach Renato Agustin na makakabangon sa serye ang Gin Kings.