MUKHANG hindi na namamalayan ni Gerald Anderson na dala-dala niya ang character niya bilang si Budoy sa ginanap na presscon ng pelikula nila ni Sarah Geronimo na “Won’t Last A Day Without You” mula sa Star Cinema at Viva Films nu’ng Sabado ng tanghali
.Habang on-going kasi ang presscon at habang nagsasalita sa mikropono ang actor ay panay ang hawak niya sa kaliwang tenga niya na tila nangangati.
Kaya tinanong si Gerald kung nahihirapan ba siyang ihiwalay ang kanyang pagiging Budoy at pagiging si Andrew sa “Won’t Last A Day Without You”?
“Sa totoo lang po, hirap akong ihiwalay kasi siyempre pagtapak ko sa Budoy, mga tatlong oras (in character) tapos hours after, diretso naman po ako sa set na kailangan kong maging Andrew.
“Mahirap po, mahirap, pero sobra po akong blessed ngayon sa pagiging si Budoy tapos malapit na pong ipalabas ‘yung movie namin ni Sarah at nagpapasalamat po ako talaga,” kuwento ni Budoy.
Samantala, maraming nakapansin na nagiging bagay na sina Gerald at Sarah na tinitigan din namin mula sa malayo at totoo nga, bagay na bagay na ang dalawa reel and real life.
Kaya naman panay ang tukso ng invited entertainment press sa dalawa lalo na nu’ng napansing panay ang hawak ni Sarah sa hita ni Gerald bukod pa sa napapakapit siya kapag may mga tinatanong tungkol sa estado ng relasyon nila ngayon.
Bagamat nagpaliwanag na ang aktres na sobrang magkaibigan lang daw sila ay hindi naman naniniwala ang lahat lalo na nu’ng ipagtanggol ng actor ang dalaga.
“Ha-hahahaha! Kayo talaga, wala naman po talaga,” natawang sabi ni Gerald.
Samantala, kinulit pa rin ang dalawa kung gaano na talaga sila ka-close at kung puwede na nilang sabihin sa isa’t isa ang “Won’t Last A Day Without You” sa isa’t isa?
“Ha-hahaha! Siguro pagkatapos ng shooting, mami-miss ko si Sarah more than po roon sa unang movie namin kasi siyempre, hindi pa naman kami gaano nag-uusap noon.”
“Hindi mo kasi ako kinakausap noon,” singit ni Sarah. “Hindi mo kasi ako pinapansin noon,” ganting sagot naman ni Gerald.
“Pero ngayon po, mas nakilala ko na siya, mas nakakapag-usap na kami ng matagal, ng malalim. Sana magkaroon pa ako ng chance na makilala siya after ng movie,” sabay hiyawan ng mga katoto samantalagang tila bingi pa rin si Mommy Divine sa mga hiyawan.
At mas lalong dedma si Mommy Divine ng mapunta ang usapan sa magandang katawan ni Gerald na nakitang hubad ni Sarah dahil nga nabuhusan niya ito ng tubig.
Inamin ng singer-actress na talagang nagandahan siya sa katawan ni Gerald dahil pinaghandaan daw niya ito kaya naman nangingiti ang actor. Bukod dito, nahilo raw ang aktres dahil hindi naman daw siya sanay na makakita ng katawan ng lalaki.
Sagot naman ni Gerald, “Nag-work out po talaga ako para ro’n, siya kasi po ‘yung pumapasok sa isip ko, eh. Ha-hahahaha! Promo-promo.”
At mas lalo pang kinilig ang lahat ng mismong si Sarah na ang lumapit kay Gerald at humilig sa balikat nito sabay sabi sa mommy niyang, “Mommy, promo lang,” pero nakatingin lang ang ina ng aktres.
Samantala, inamin ng dalaga na kung sakaling magkaka-boyfriend siya ay ito na rin ang makakatuluyan niya habambuhay kaya naman natanong si Gerald kung sakaling manligaw siya ay may pressure ba?
“San po, sa kasal?” tinig Budoy na tanong ng actor kaya nagkatawanan ang lahat.
“Siyempre po, lahat tayo gusto natin lahat ‘yun. Ahh, kumbaga ang tagal ko rin walang girlfriend, kahit paano, nakaka-miss din. Nakaka-miss ‘yung mga text-text, yakap-yakap. Ha-hahaha! Siguro dahan-dahan lang.
Huwag lang akong mamadaliin. Ang mangyayari, mangyayari,” sagot ng actor.At dahil nagkakatuwaan na sa Q and A ay biglang natawag ni Gerald na “mommy” ang ina ni Sarah kaya nagkatawanan at sabay bawi ng actor ng, “Tita pala. Kasi kayo, nahawa ako!” At ng tiningnan namin ang mommy ng aktres ay seryoso pa rin ang mukha nito.
Samantala, bukod kina Gerald at Sarah ay kasama rin sa movie sina Martin del Rosario, Young JV, John Lapus at Joey de Leon mula sa direksyon ni Raz dela Torre. Showing na ito sa Nob. 30.