Gov’t to gov’t MOA binaboy lang

IPINIPILIT nitong National Food Authority (NFA) na tama ang kanilang desisyon na bumili ng bigas sa Vietnam kaysa sa Thailand, kahit pa sila na mismo ang umamin na mas mababa ang presyo na alok ng huli.

Ipinagkaloob ng NFA ang pagbili o importasyon ng 500,000 metric tons ng bigas mula sa Vietnam kahit na makakatipid tayo kung sa Thailand kukuha.

Ang isyung ito ay unang lumabas dito sa OFF CAM at ngayon, nagpapaliwanag ang NFA tungkol dito.

Tinawagan ko si NFA Director for Public Affairs Rex Estoperez at ito ang kanyang naging paliwanag: Una, kung Government to Government transaction na bahagi ng Memorandum of Agreement ang igigiit ng Thai Royal Government, dapat daw ay hindi na ito nakibahagi pa sa bidding.

Tatlo aniya ang inanyayahan sa bidding na ginawa noong Nobyembre. Ang Vietnam, Thailand at Cambodia.

Ayon kay Estoperez, tumanggi ang Cambodia at sinabing hindi raw ito ready.

Ikalawa, kung may reklamo raw ito, dapat daw right on the spot at hindi after the fact na naigawad na sa Vietnam ang pag-su-supply ng 500,000 metric tons kahit pa mas mababa ng 25-sentimo ang re-offer nito.

Ikatlo, kung sakali naman daw at hindi kakayanin ng Vietnam na i-supply ang kinakailangang volume na 500,000 metric tons ay sa Thailand din ito kukuha. Iyon na nga lang, sinabi ng Vietnam na kaya nila kaya wala ring tsansa na makapag-suplay ang Thailand.

Himayin natin ngayon: Ang bidding ay isang prosesong marapat lamang na gabayan ng alituntunin sa ilalim ng government procurement law o ng Republic Act 9184.

Ang tanong: Kung ito’y pangkaraniwang bidding, bakit hindi ito published? Walang transparency sa imbitasyon sa mga traders and suppliers? At bakit sa mga bansang may Government to Government MOA na nagbibigay daan sa direct importation kumuha ng bid ang NFA?

Itinatanong ito dahil sa hindi nila kinilala ang katwiran ng Thailand na mabigyan sila ng pagkakataong mag re-offer na ang iginigiit ay ang 10-day provision for renegotiation na nasa ilalim ng MOA. Dito na nagpaliwanag ang NFA na sinusugan ng Office of the Government Corporate Council na dapat na manaig ang kung ano ang nakasaad sa procurement law.

Oo naroon na, bidding nga eh, pero bakit hindi published, bakit hindi transparent eh nasa alituntunin din iyon ng government procurement system?

So selective? Ganun? Ano lang ang puwedeng gamiting paliwanag? Kung gusto raw ng Thailand na makibahagi pa rin sa government to government MOA sa Pilipinas, maari raw na mag renew o mag revise ng kasunduan.

Kung kayo ang pamahalaan ng Thailand papasok pa ba kayo sa panibagong kasunduan sa Pilipinas gayong binalewala lang nito ang kasunduang pinasok sa kanila na tumagal ng tatlong taon pero wala namang nangyari?

Ang G to G (government to government) MOA ay isinulong para sa mas mababang presyo ng importasyon ng bigas. Pero malinaw na sa katotohanan, hindi naman pala pinahahalagahan

Ang malaking tanong, bakit? Ang tanong na ito ay kadugtong ng lahat ng mga iba pang tanong patungkol sa bakit nababalahura at napapasok ng ilegal na pamamaraan ang dapat sana ay malinaw na proseso ng importasyon ng bigas.

Read more...