DATING fixer si Winnie bago pa magtungo sa Dubai at magtrabaho doon bilang lady driver. Bawat papel o dokumento na lalakarin niya para sa ibang tao, may katumbas na kabayaran.
May tatlong anak si Winnie at ito ang naging hanapbuhay niya sa mahabang panahon habang solong itinataguyod ang buhay ng mga anak.
Nagtatrabaho pa noon sa Saudi Arabia ang kanyang asawa, ngunit nagloko ito at nagpakasal pa sa dalawa pang babae.
Inanbandona ni mister ang kaniyang pamilya, kung kaya’t natutong maghanap-buhay si Winnie sa pamamagitan ng “fixing.”
Palibhasa ay may kontak at mabilis makakuha ng mga dokumento mula sa iba’t-ibang ahensya ng gobyerno, kaya’t di nahirapan makapag-apply ng sariling driver’s license kahit di marunong magmaneho.
Nang makakita siya ng pagkakataon na makapagtrabaho sa abroad bilang lady driver, sinunggaban agad ito ni Winnie.
Sa loob ng isang linggo, nakiusap ito sa isang kakilala na turuan siyang magmaneho.
Tanging lakas ng loob lang ang taglay ni Winnie, para mabuhay ang pamilya. Hindi na alintana kung anong panganib ang susuungin, bumiyahe si Winnie patungong Dubai kahit hindi naman talaga marunong magmaneho. Ngunit pagdating sa Dubai, kinausap niya ang Pilipinang agent niya na siyang magdadala sa kanyang employer na paaralin pa siya ng driving sa Dubai upang alamin ang mga patakaran doon.
Pumayag naman ang amo niya at ipinasok siya sa 21-day driving lesson sa Dubai. Palibhasa ay hindi nakatapos ng elementarya si Winnie, bumagsak siya sa unang eksamen. Bagsak din sa ikalawang test. At bago pa dumating ang pangatlong eksamen, inilipat na lamang siya sa kapatid ng employer at pinagtrabaho doon bilang caregiver, sa halip na ipa-deport pabalik ng Pilipinas.
Anim na taon ang tiniis ni Winnie sa paghahanapbuhay sa Dubai. Asang-asa siya na nag-aaral nang husto ang kanyang mga anak at ginugugol ang mga salaping ipinadadala sa kanilang pag-aaral.
Ang pagkakamali ni Winnie, pinapadalhan niya ng pera ang bawat isa sa mga anak niya. Walang tumitinging magulang o tagapag-bantay man lamang sa mga ito. Kaya naman todo-todo at walang patumanggang gumastos ang mga bagets. Wala ring naipon si Winnie dahil lahat ay pinadala lahat sa mga anak.
Nang umuwi siya saka lamang niya natuklasan na hindi naman pala nag-aral ang mga bata. Nag-asawa ang panganay na lalaki at buntis ngayon ang misis. Huminto sa pag-aaral ang pangalawa at pakikipag-inuman sa barkada ang inatupag.
Naging tomboy naman ang bunsong anak na babae at hindi rin tinapos ang pag-aaral.
Itinago sa kanya ang lahat ng ito at hinayaan siyang patuloy na magpadala ng magpadala ng pera sa kanila.
Wala rin siyang bahay na dinatnan sa kaniyang pagbabalik. Na-demolished ang kanilang bahay, kung kaya’t pinatira na lamang ng asawang dating OFW ang kanyang mga anak, ngunit may kinakasama na rin ito.
Nang puntahan ang mga anak sa bahay ng dating mister, ipinagtabuyan siya ng mga anak.
Ang sama-sama ng loob ni Winnie. Palibhasa’y wala na siyang perang maibibigay sa mga ito kung kaya’t ganoon na lamang ang naging pagtrato sa kaniya.
Balak niyang bumalik muli sa Dubai o di kaya’y balik fixer na lamang ‘anya siya upang mabuhay nang solo sa Pilipinas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
