SA pagkapanalo ng Pinay na si Rose Fostanes sa X Factor Israel kamakailan nang kantahin niya ang My Way, may mga nagsabi na posibleng nawala na ang “sumpa” ng kanta.
Sa dami kasi ng nabugbog, nasaksak at nabaril at namatay sa pagkanta ng “My Way,” napagkatuwaan na bansagan na ito ay isinumpa.
Pero matapos ang nangyari sa aktor at TV host na si Vhong Navarro may mga malilikot na isip ang nagsabi na baka may malas din ang kantang “Mr. Suave.”
Parehong nadawit sina Vhong at Chito sa mga kontrobersya.
Ang malinaw sa mga ulat siya ay nabugbog. Ang tanong lang ay kung bakit?
Ang sabi ni Vhong Navarro siya ay na-setup, ang sabi naman ng kabilang kampo tinangka niyang gahasain si Deniece Cornejo.
Kung ano man ang tama sa dalawang kuwento, ang tiyak na minalas ay si Vhong Navarro.
Ilang buwan bago ito, bumulaga naman sa publiko ang sex video ni Chito Miranda at Neri Naig.
Kumalat ito sa social media at maraming araw na pinag-usapan hindi lamang sa media kundi maging ng mga tambay sa kanto.
Si Chito Miranda ang vocalist ng Parokya ni Edgar.
Kung meron silang common denominator, ika nga, ito ay ang pagkakasangkot nila sa kontrobersya na may kinalaman sa pakikipagtalik.
Buti na lang at mukhang wala pa ang sumpa ng gamitin itong jingle ni DILG Sec. Mar Roxas nang tumakbo siya sa pagkasenador noon.
“Hoy, hoy, hoy, Mr. Palengke.” Naaalala mo pa ba?
Mainit na mainit na naman ang isyu ng bigas. Bakit nga naman hindi, eh direkta itong may kinalaman sa sikmura ng mga Pinoy.
Nadidikdik si Agriculture Secretary Proceso Alcala at National Food Authority Administrator Orlan Calayag.
Ang sinisilip ay kung sino ang nagpasok ng bigas. Yung isyu ng pagbibigay ng permit at yung mga importer na nagpapasok ng sobrang bigas gamit ang permit na ibinigay sa kanila ng NFA at DA.
Kung magpapatuloy ang pagpasok ng smuggled rice, talagang magkakaroon tayo ng sapat na suplay ng bigas. Pero tiyak na hindi ito ang solusyon para wala ng magutom.
Dapat lang na imbestigahan ang mga taong nasa likod ng pagpasok ng mga smuggled rice.
Pero wag nating kakalimutan na hindi naman makakapasok sa bansa ang smuggled na bigas kung hindi papapasukin ng Bureau of Customs.
Nagpapalipat-lipat ng port na pinagbabagsakan ang mga smuggler ng bigas. Naghahanap siguro ng mga tiwali at madaling kausapin na makapagpapalabas ng kanilang bigas.
Kung magiging mahigpit ang Customs hindi rin makakalabas ang mga sobrang bigas na dinala ng mga importer na binigyan ng permiso ng NFA at DA.
Sa sistema ng ating gobyerno maaaring masawata ang mga tiwali.
Kumbaga may checkpoint bawat kanto kaya kung lulusot sa una ay maaaring masilo sa mga susunod.
Ito ay kung hindi nagsasabwatan ang mga nasa checkpoint.