NAGPAHAYAG ng kasiyahan si Manny Pacquiao matapos pumayag na si World Boxing Organization (WBO) welterweight champion Timothy Bradley na magkasukatan uli silang dalawa sa Abril 12 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada, USA.
Naselyuhan ang rematch nang pumayag si Bradley sa extension ng kontrata na itinutulak ng Top Rank. Sa pagsang-ayon ng walang talong US boxer, siya ay tatanggap ng $6 milyon guaranteed prize para makaharap uli ang Pambansang Kamao.
“I’m happy that Bradley agreed to fight me a second time,” ‘wika ni Pacquiao sa isang statement na ginamit ng RingTV.com.
Kasabay nito ay ang katiyakan na maisasakatuparan niya ang hangaring maipaghiganti ang masakit na pagkatalo na nangyari noong 2012.
Lumasap ng kontrobersyal na split decision kabiguan ang Kongresista ng Sarangani Province kay Bradley dahilan para mahubad sa kanya ang hawak na WBO welterweight title.
Natalo pa si Pacquiao noong 2012 kay Juan Manuel Marquez sa sixth round knockout at nagpahinga ng halos isang taon.
Pero sa kanyang pagbabalik ng ring noong Nobyembre sa Macau ay naipakita niya na nakabalik na ang dating kinatatakutang Pacquiao nang bugbugin si Brandon Rios tungo sa unanimous decision.
“This will be a different fight. I will get back from him what he took from me in the last fight,” ani pa ni Pacquiao. Hindi naman ibibigay ng basta-basta ni Bradley ang titulo lalo pa’t matapos talunin si Pacquiao ay isinunod niya sina Ruslan Provodnikov at Marquez na hiniya sa ring.
Samantala, uumpisahan na ng kampo ni Pacquiao ang paghahanap ng sparring partner nito biglang paghahanda sa laban kay Bradley.
( Photo credit to INS )