IBALIK ang bitay para papanagutin at pagbayarin ang gumahasa at pumatay sa 6-anyos na batang babae sa Maynila. Ang dinanas ng batang babae ay isa lamang sa kahindik-hindik na mga krimen na nagaganap ngayon sa kapaligiran, at mismong sa loob na ng bahay.
Ang panggagahasa at pagpatay ay hindi lamang nagaganap sa Metro Manila. Ito’y nagaganap din, halos araw-araw at linggu-linggo, sa Mindanao, sa buong bansa.
Maging ang itinuturing na tahimik na lalawigan, ang Batanes, na pinaghaharian ng Abad politicians, ay may insidente rin ng panggagahasa.
Ibalik ang bitay, hindi para matigil ang pamamaslang ng mga nakamotor sa Luzon, Visayas at Mindanao, kundi para papanagutin ang pagbayarin ang mga kriminal.
Halos 99% ng insidente ng pamamaslang ng mga nakamotor sa Metro Manila at Mindanao ay hindi nalulutas at hindi natutunton ang mga salarin.
Kung hindi natutunton ang mga salarin at hindi malululutas ang mga kaso, magpapatuloy pa sa pamamaslang ang mga nakamotor at madaragdagan pa ang bilang nila dahil walang nahuhuli, nalang nililitis at walang naparurusahan.
Nang dahil nga sa kabiglaan at hindi nag-iisip na mga politiko, at marami sa kanila ay wala ngang katiting na pag-iisip, ay ibig na nilang ipagbawal ang nakaangkas sa motorsiklo; pero, di ba’t may kakayahan pa ring mamaril ng solong nakamotor?
Sa Makati, sa paligid ng mga gusali ng Philippine Daily Inquirer at Radio Inquirer-Bandera, solo rider ang nanghahablot ng mga bag ng naglalakad na mga babae sa mga kalye.
Kung sakaling maisabatas ang panukala ng bobong mga politiko, exempted o di sakop ang solo riders sa Makati. Gayun na nga.
Ibalik ang bitay para papanagutin at pagbayarin ang nagpapakalat ng shabu, ang huling insidente ay ang pagkakasamsam sa P1 bilyon halaga ng shabu sa Paranaque.
Kailangang bitayin ang mga politiko’t pulis na nagpapakalat ng shabu o kumukunsinte sa operasyon ng mga tulak, lalo na sa Mindanao, na hindi na kayang galawin o labanan ng Philippine Drug Enforcement Agency at National Bureau of Investigation ang lakas at bangis ng sindikato.
Ibalik ang bitay sa mga pumapatay sa pamamagitan ng hazing sa mga nais pumasok sa fraternity. Simula sa paglilitis sa kasong Leny Villa noon at hanggang sa sunud-sunod na mga kaso ngayon, walang naparurusahan nang husto sa salang hazing, bagaman may pangil na ang batas kontra rito, nang dahil sa bulok na sistema ng hustisya, balikong paglapat ng hustisya at areglo at tapalan ng salapi.
Ibalik ang bitay para papanagutin at pagbayarin ang mga holdaper sa mga pampasaherong jeepney at bus sa Metro Manila, na malinaw pa sa sikat ng araw na hindi kayang maibsan at sugpuin ng pulisya, lalo na ang National Capital Region Police Office.
Pumapatay ang mga holdaper at kapag hinatulan ay nakalalaya pa. Bitayin ang mga namamaril na lamang nang basta-basta sa mga naglalakad sa gabi sa barangay Payatas, Commonwealth, Batasan Hills at Holy Spirit.
Bitayin din ang mga nanghaharang ng tricycle sa gabi para holdapin ang mga pasahero nito. Kailangang mabuo ngayon ang bagong basehan ng bitay.
Noo’y ginawang basehan para ipatupad ang bitay na ito’y magsisilbing panakot sa mga kriminal para hindi na gumawa ng kahindik-hindik na mga krimen.
Pero, imposibleng bumaba ang bilang ng krimen at matakot ang mga kriminal sa hatol na bitay. Dumarami ang populasyon at kahirapan kaya dumarami ang kriminal.
Nagkalat ang shabu, solvent at iba pang bawal na gamot kaya’t hindi mag-iisip ang may karga na may nakaambang bitay sa kanyang gagawing kahindik-hindik na krimen.
Kailangan ang bitay para papanagutin at pagbayarin ang kriminal. Matagal nang may ganitong uri ng pagpapanagot at pagbabayad sa lipunan at maaaring balikan ang Biblia.
Bilang pagpapatupad ng pantay-pantay na turing sa lipunan, bitayin na rin ang magnanakaw na mga senador at kongresista, na ang kanilang biniktima ay ang arawang obrero, ang taumbayan, na walang magagawa kapag binuwisan.
Bitayin na rin ang mga magnanakaw sa Department of Agriculture, Department of Agrarian Reform, Department of Budget and Management, Department of Social Welfare and Development, Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue, National Police at Armed Forces.
Bitayin din ang mga mahistrado ng Supreme Court at Court of Appeals na nagbebenta ng mga desisyon, masisiba sa milyones na mga lagay para mamaniobra ang nakabimbing kaso at mga mandaraya sa kanilang Statement of Assets Liabilities and Networth.
Bitayin ang mga prosecutor na masisiba sa pera at araw-araw ay nagbabasura sa mga reklamo. Bitayin din ang mga abogadong laglag-kaso, na inakala ng pobreng akusado ay ipagtatanggol siya nang lubos.
Bitayin din ang mga politikong naglalaho pagkatapos ng bagyo’t baha. Bitayin dinm, higit sa lahat, ang mga politikong illegal loggers. Bitayin din ang pangulong pabaya sa mahihirap at mandarambong, tulad ng ginagawa sa ibang bansa.
Ibalik ang bitay at ayon kay Press Secretary Hermino Coloma: “This issue needs an amendment of the law and because this issue has wide implications, perhaps it would be prudent that this topic be the subject first of a consulation to determine the sentiments of the people.”
Ibalik ang bitay, hindi para sa mahihirap na kriminal lamang, kundi para rin sa mayayaman at makapangyarihan.