Carmelo kumana ng 62 puntos sa panalo ng Knicks


NEW YORK — Umiskor si Carmelo Anthony ng career-high at franchise-record 62 puntos, pinakamarami sa kasalukuyang Madison Square Garden, para tulungan ang New York Knicks na tambakan ang Charlotte Bobcats, 125-96, at putulin ang kanilang five-game losing streak sa kanilang NBA game kahapon.

Ipinasok ni Anthony ang 23 sa 35 tira, kabilang ang isang halfcourt shot bago tumunog ang halftime buzzer, at humablot din siya ng 13 rebounds sa pinakamataas na NBA scoring performance ngayong season.

Nakagawa si Anthony ng 56 puntos matapos ang tatlong quarters para malagpasan ang dating season high na 54 puntos ni Kevin Durant at nanatili ng ilang minuto sa ikaapat na yugto para burahin ang Knicks record ni Bernard King (60) at arena record ni Los Angeles Lakers guard Kobe Bryant (61).

Ito na marahil ang highlight ngayong season para kay Anthony na nakaambang hindi makalaro sa playoffs sa unang pagkakataon sa kanyang career at kinakaharap ang mga katanungan sa kanyang hinaharap sa koponan sa pagpasok niya sa free agency ngayong darating na summer.

Thunder 101, Celtics 83
Sa Boston,  hindi nakapaglaro si NBA scoring leader Kevin Durant sa unang pagkakataon ngayong season subalit gumawa naman si Serge Ibaka ng 21 puntos para pamunuan ang Oklahoma City Thunder sa pagwawagi laban sa Boston Celtics.
Ito naman ang ikaanim na diretsong panalo ng Western Conference-leading Thunder.

Si Jeremy Lamb ay kumana ng 19 puntos mula sa bench at si dating Celtics center Kendrick Perkins ay humablot ng siyam na rebounds para sa Oklahoma City. Ang Thunder ay naglaro na hindi kasama sina Durant at Russell Westbrook sa unang pagkakataon magmula ng lumipat ang kanilang prangkisa mula sa Seattle noong 2008.

Si Jeff Green ay umiskor ng 16 puntos para sa Celtics habang kinamada ni Gerald Wallace ang 12 sa kanyang 13 puntos sa first half bago tuluyang iwanan ng Thunder sa pamamagitan ng 17-2 run sa ikatlong yugto.

Timberwolves 121, Warriors 120
Sa Oakland, tumira si Kevin Martin ng step-back jumper may 8.4 segundo ang nalalabi sa laro para maungusan ng Minnesota Timberwolves ang Golden State Warriors at itala ang ikatlong sunod na pagwawagi.

Si Martin ay nagtapos na may 26 puntos habang si Kevin Love ay nagdagdag ng 26 puntos at 14 rebounds para sa Timberwolves.
Sumablay naman si Harrison Barnes sa kanyang open jumper bago tumunog ang final buzzer para malasap ng Golden State ang ikalawang diretsong pagkatalo.

Nagtala naman si Stephen Curry ng 33 puntos at 15 assists habang si David Lee ay nag-ambag ng 23 puntos at pitong rebounds para sa Warriors, na na-outshot ang Minnesota 55 porsiyento kontra 50 porsiyento subalit na-outrebound ng Timberwolves, 44-41.

( Photo credit to INS )

Read more...