DAHIL sa ayaw mamatay-matay na kuwento ng hidwaang namamagitan ngayon sa mag-asawang Manny at Jinkee Pacquiao ay naalala tuloy namin ang pinakahuli naming panayam sa misis ni Pacman tatlong buwan na ngayon ang nakararaan.
Ikinuwento sa amin ni Jinkee na nu’ng magkaroon sila nang matinding away ng kanyang mister ay talagang tinikis niya ito. Ayon kay Jinkee, kapag nasa GenSan daw si Pacman ay bumabalik siya sa Maynila, at kapag sumunod naman ito sa Maynila, ay saka naman siya lilipad uli pabalik sa kanilang probinsiya.
“Talagang hindi ko siya kinibo at kinausap nang more than three months. As in, wala talaga. Iniiwasan ko siya. Kapag nandito siya sa Manila, umuuwi ako sa amin sa GenSan.
“Talagang ipinaramdam ko sa kanya na galit ako. Tumatawag siya, hindi ko sinasagot. Nagte-text siya, dinededma ko siya. Umiwas talaga ako sa kanya, alam niyang matindi ang galit ko,” kuwento ni Jinkee.
Ang sinasabing dahilan ng kanilang matinding hidwaan ngayon na pinagsususpetsahan ng marami na naging isa sa mga dahilan ng paghina ni Pacman sa nakaraan nilang laban ni Juan Manuel Marquez ay ang napabalitang pagpapabinyag ng isang babae na ang itinuturong ama ay si Manny.
Nagdenay na ang magkabilang kampo tungkol sa kuwento, mukhang kumbinsido naman ang marami sa kanilang mga paliwanag, pero parang si Jinkee ay hindi naniniwala sa mga kuwento ng kanilang pagtanggi.
May mga kuwento pa ring lumulutang ngayon na hindi maganda ang samahan ng mag-asawa sa Las Vegas, ramdam na ramdam ng kanilang mga kaibigan na may pader sa gitna nila, dahil nga sa isyu ng pagkakaroon ng anak ni Pacman sa babaeng nagpabinyag kamakailan.
Kahit si Coach Freddie Roach ay naniniwala na mukhang nakaapekto kay Pacman ang mga personal na problema nila ni Jinkee, hindi raw nagpakitang-gilas ang kanyang alaga sa lona, mas kilala nga naman nito ang laro ni Pacman.
Sana nga ay maging maayos na ang kanilang samahan, malinawan na sana kung sino ang ama ng anak ng isang nagngangalang Kat, para naman maging malinis na ang pangalan ng mga taong wala naman talagang kinalaman sa problemang ‘yun.
Sana.