SanMig, Petron namumuro na

Games Today
(Cuneta Astrodome)
5:45 p.m.  SanMig Coffee vs. Talk ‘N Text
8 p.m. Barako Bull vs. Petron Blaze

PIPILITIN ng SanMig Coffee at Petron Blaze na makaulit sa nagkahiwalay na kalaban sa Game Two ng PLDT myDSL PBA Philippine Cup best-of-three quarterfinals ngayon sa Mall of Asia Arena, Pasay City.

Makakatunggali ng SanMig Mixers ang defending champion Talk ‘N Text sa ganap na alas-5:45 ng hapon  samantalang magtutuos ang Petron Boosters at Barako Bull alas-8 ng gabi.

Kung mananalo ang Mixers at Boosters ay didiretso na sila sa best-of-seven semifinals kung saan makakalaban ng Petron ang Rain or Shine  at makakaduwelo ng SanMig Coffee ang magtatagumpay sa serye sa pagitan ng Barangay Ginebra San Miguel at Alaska Milk.

Ginapi ng Mixers ang Tropang Texters, 90-83, noong Martes sa likod ng mainit na shooting ni Peter June Simon na nagtala ng 20 puntos. Ang iba pang starters ni coach Tim Cone — Joe DeVance, Marc Pingris, Mark Barroca at  James Yap — ay nagtapos din na may double figures sa scoring.

“I have veterans who know what playoffs are all about. This is the time when you create reputations, I wish this was just sudden death but we need to beat Talk ‘N Text one more time,” ani Cone.

“We hustled well, we got a lot of offensive rebounds. We should do the same thing in Game Two.” Ang Tropang Texter na nagbigay ng problema kay Cone sa Game One ay si Jayson Castro na nagtala  ng game-high 24 points.

“Castro is a guy who is really hard to stop. We’ll have to find ways,” dagdag ni Cone. Si Castro, na isa sa pinarangalan  bilang 2013 Athletes of the Year ng BANDERA, ay sinusuportahan nina  Jimmy Alapag, Ranidel de Ocampo, Larry Fonacier, Kelly Williams at Danny Seigle.

Kinailangan naman ng Petron Blaze ng ibayong tikas sa fourth quarter upang talunin ang Barako Bull, 101-88. Ang Energy ay nakalamang pa, 73-67, sa pagtatapos ng third quarter bago rumemate sa last period.

“We just got lucky and hit our shots in the second half. Barako Bull played well. They showed up really focused. We had to clamp down on defense in the second half,” ani Petron coach Gelacio Abanilla III hinggil sa panalo.

Nagbalik sa Petron  matapos na hindi makasama ng isang laro si Marcio Lassiter na gumawa ng 17 puntos. Sina Arwind Santos at Alex Cabagnot ay umiskor din ng tig-17 puntos samantalang nag-ambag ng 15 si June Mar Fajardo.

Ang Barako Bull ay pinamumunuan nina Willie Miller, Ronjay Buenafe, JC Intal, Dorian Pena at Mick Pennisi. Sakaling kailanganin ng Game Three ang mga seryeng ito, iyon ay magaganap sa Linggo sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Nitong Miyerkules ay humirit ng do-or-die game ang Alaska Milk matapos na gulatin ang top seed Barangay Ginebra San Miguel,  104-97.

( Photo credit to INS )

Read more...