MAPANLINLANG pa rin ang ilang job recruitment agencies sa Pedro Gil st., sa Maynila. Tulad ng nagaganap sa isang gusali na halos lahat ng silid sa mataas na mga palapag ay mga recruitment agencies. Nakalakip sa kontratang lalagdaan ng aplikante sa manu-manong mga trabaho sa Middle East ang dalawang affidavit. Ang affidavit of desistance at affidavit of quit claim. Kapag nilagdaan na, hindi makukuha ng aplikante ang kopya ng affidavit of desistance at quit claim.
Wala pang kaso ay umaatras na ang OFW. Kapag nagkaroon ng kaso sa Middle East, agad na isusumite ng Arabo ang desistance, na umaatras na sa pagsasampa ng reklamo ang Pinoy. Ang quit claim, anang Arabo, ay patunay na hindi na naghahabol ang pobreng Pinoy. Dapat ibalik ang bitay para lamang sa mapanlinlang mga mga recruiter.
Palakpakan. Nagbigay ang mga opisyal ng Barangay 128, Zone 10 sa Tondo, Manila sa city government ng 28 bagong dialysis machines, na binili mula sa natipid na P30 milyon sa IRA nito. Sa P30 milyon natipid, nakabili rin ang barangay ng isang trak ng bumbero at ambulansiya. Napakarami ang may sakit sa bato sa Maynila at patuloy na nadaragdagan ang bilang ng mga dina-dialysis. Mahal ang bayad sa dialysis, P4,000 sa bawat sesyon. Dapat tularan ni P-Noy ang Barangay 128, Zone 10, na may kalinga sa mga may sakit.
Hindi na kagulat-gulat ang pahayag ni ACT-CIS Rep. Samuel Pagdilao na bigo ang National Police na labanan ang krimen.
Abogado si Pagdilao at retiradong heneral. Alam niya ang kanyang sinasabi dahil galing na siya sa Crame. Kulang ang kasalukuyang liderato ng PNP sa simpleng programa kontra krimen at iyan, ayon kay Pagdilao, ay ang paggamit ng mata’t tenga mula sa mismong barangay. Idagdag pa riyan ang labis na politika sa PNP. Matindi na ang politika sa PNP kaya naman may palakasan na. Ngayon lamang nangyari ang tropa-tropa sa PNP at hindi ang kaalaman at kakayahan ng bawat opisyal sa kanyang trabaho. Isa sa di kayang sugpuin ay ang riding in tandem. Bakit hanggang ngayon ay panaginip pa rin ang police visibility? Mataas ang insidente ng holdapan sa Makati, Quezon City, Pasay at Caloocan. Dahil walang rumorondang pulis. Kailangan ding pabilisin ang paglilitis sa mga kasong kinasangkutan din mismo ng mga pulis. Nakadaragdag sila sa pagdami ng krimen.
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Nakakatawa si Bong Revilla. Lumabas ang pagka b…o niya. Matapos aminin sa COA na kanya yung pirma, kung anu-ano ang sinasabi niya ngayon. Kinausap pa raw siya ni P-Noy para ma-impeach si Corona. Bumoto naman siya para mapatalsik si Corona. Hindi na niya alam ang kanyang sinasabi, senador pa naman siya. …6817
Hindi na talaga maawat ang kotong cops ng PNP Highway Patrol Group dito sa Davao City. Araw-gabi, paliat-lipat lang ng puwesto sa pangongotong. Sana tirahin na kayo ng taong labas. …8288
Digong “Tough Guy” Duterte vs Noynoy “Soft G.y” Aquino. Si Digong, kayang hamakin ang lahat, ma-safe lang ang bayan. Si P-Noy, handang bayaran ang lahat matupad lang ang gusto niya. Who is the best ruler? Ability is better than popularity. Amil, of Tagum City …2920
Grabe talaga itong si Mayor Oca Malapitan ng Caloocan. Pag nanalo raw siya, bababaan niya ang assessment ng mayor’s permit. Aba’y malaki ang itinaas ngayon. …4061
Ang balita ko, magre-retire na si Mayweather dahil may tama na ang siko, kaya takot siya kay Pacman. Dapat huwag munang mag-retire si Pacman. …8940