“NANGINGINIG na ako!” Ito ang nasambit ng hunk-actor-athlete na si Matteo Guidicelli nang kulitin siya ng entertainment press tungkol sa tunay na estado ng relasyon nila ni Sarah Geronimo.
Kahapon sa pocket presscon ng reality show ng ABS-CBN na The Biggest Loser Pinoy Edition Doubles kung saan isa si Matteo sa magiging host, todo ang pakiusap niya na huwag na munang pag-usapan ang Pop Princess.
Halatang hiyang-hiya ang aktor-TV host kapag si Sarah na ang napag-uusapan. Sabi ni Matteo, “I really to answer your questions, but I cannot answer them right now. But there will come a time na masasagot ko rin po ang mga tanong na ‘yan.”
May nagsabi naman na mukhang siya lang daw ang tanging lalaking na-link kay Sarah na hindi inayawan ni Mommy Divine, ibig sabihin botong-boto ang nanay ni Sarah sa kanya.
Reaksiyon naman ni Matteo, “Naku, salamat naman po kung totoo man ‘yun.” Pero kahit ano ngang pilit ang gawin ng press, talagang hindi nagsalita ang aktor, aniya, bilang respeto na rin daw sa pamilya ni Sarah, at natatakot rin daw siya na maakusahan na manggagamit.
Sey naman ni Matteo, ang type raw talaga niya ay Pinay beauty, siyempre kailangan mabait, marespeto at dapat daw seksi, kaya biniro uli siya ng media na si Sarah Geronimo ang tinutukoy niya – na tinawanan lang ng binata.
Samantala, isang dream come true naman para kay Matteo ang maging bahagi ng The Biggest Loser Pinoy Edition Doubles bilang challenge master dahil magkatambal niyang gagamitin ang passion niya sa parehong hosting at sports para rito.
“Sobrang masaya ako dahil simula noong first season ng Biggest Loser pangarap ko na talagang maging host sa show na ito. Konektado siya sa triathlon and sports, na passion at lifestyle ko,” anang binata.
Malaking hamon din daw para kay Matteo ang maging isa sa challenge masters ng programa kasama si Robi Domingo dahil kahit nagkaroon man siya ng ilang hosting projects noon, ibang hosting style daw ang kailangan para sa programa.
“Sa Biggest Loser, wala kaming prompters. Parang ilalagay ka lang nila sa field, kaya kailangan ko talagang pag-aralan ang materyal ko. Talagang bagong experience ito para sa akin. Excited ako at syempre, kinakabahan,” aniya.
Bilang isang challenge master, makakasama ni Matteo si Robi sa pagbibigay ng challenges sa 14 pares ng bigating Pinoy na maglalaban-laban tungo sa kanilang pangarap na maging fit at magkaroon ng mabuting kalusugan.
Nakaka-relate din daw si Matteo sa mga bigating contestants dahil bilang isang triathlete, matindi rin daw ang pinagdaraanan niyang training sa ilalim ng kanyang coach.
“Kung ano ang ginagawang pag-motivate ng coach ko sa akin, ‘yun ang ginagawa ko sa contestants. Pinu-push ko sila. Kasi syempre gusto kong makita na nagi-improve talaga sila at makitang mag-transition sila mula sa pagiging mataba hanggang maging payat, nakaka-challenge talaga ‘yun for me,” pahayag niya.
Sa Pebrero 3, ipakikilala na ng The Biggest Loser Pinoy Edition Doubles host na si Iza Calzado ang 14 pares ng bigating Pinoy na titira sa loob ng isang camp kung saan sila’y sasanayin ng challenge masters na sina Matteo at Robi at mag-asawang coaches na sina Jim at Toni Saret.
Inaasahang uudyukin ng mga miyembro ng bawat pares ang isa’t isa na gawin ang lahat upang manatili ang kanilang koponan sa kumpetisyon kaya’t masusubok din ang kanilang samahan bilang magkapamilya, magkaibigan, o magkabiyak.
( Photo credit to Google )