BUHAY pa si Renato Corona ay nagmumulto na siya, kinatatakutan ng mga nasa poder, kung anu-anong paliwanag, salag, paliwanag, salag, at itong si Herminio Coloma ay binanggit pa na naghusga na ang taumbayan laban sa kanya. Ha!?
Ang taumbayan ba ang nag-impeach kay Corona? Susme naman, Coloma, Herminio ka talaga, napakahirap talagang sumalag at magmaang-maangan lalo pa’t ang kalaban ay katotohanan na.
Ang sabi nga sa banal na kasulatan, ang katotohanan, at tanging katotohanan, lamang ang makapagpapalaya. Napakahirap talaga ng trabaho ni Coloma.
Ang kaya lamang niya ay Malacanang Press Corps. Hindi niya kayang salagin ang mga opinyon nina Rigoberto Tiglao, Francisco Tatad, o maging sina Jojo Robles na lang at Dodo Dulay, ang mga sumisikat na mga bagong mukha sa larangan ng pagpuna.
Teka, kayang-kaya naman talaga ni Coloma ang Malacanang Press Corps. Mga reporter nga pala sila at wala silang baon na baul-baul na katuwiran, pananaliksik at karanasan sa pagpuna, pagtingin sa totoo at kabulaanan at higit sa lahat ay ang mahabang paghahanda para sa pagsusulat ng kolum.
Mabuti pa ang mga kolumnista, may paghahanda sa pagsusulat ng kolum. Ang kandidato ay walang paghahanda, basta siya’y sikat, at sa palagay niya’y mananalo, sabak na at bahala na si Batman.
Kaya, ngayon lamang napagtanto na hindi pala handa ang amo ni Coloma na maging pangulo. Nang dahil sa pagsisiwalat ni Ramon “Bong” Revilla Jr., hinggil sa personal na maniobra sa pagpapatalsik at panghihiya sa punong mahistrado, muling nabuhay at naglakad na naman ang multo ni Corona.
Para sa hindi abogado, nananakot na naman ang multo ni Corona sa Malacanang, gayung tahimik na ang kinamumuhian ng anak nina Ninoy at Cory.
Para sa abogado, ninuman, alam nila na kinuyog lang si Corona dahil walang ebidensiya na dapat itong ma-impeach. Pero, ang mga abogado ay naghahanapbuhay lamang.
Ang ilan ay napakatindi ang pangangailangan sa pera. Nakapuwesto na nga at pinasusuweldo pa ng arawang obrero, tumatanggap pa ng lagay sa nasa poder.
Ganyan kagahaman ang ilang abogado. Itinakwil na ang Diyos at naging alipin na ng pera, ni Satanas. Vade retro satana.
Kung alam ng mga abogado na walang basehan ang pagpapatalsik kay Corona, mas alam ng mga politiko, magnanakaw man o nagsisimulang magnakaw, kung paano gamitin ang multo ni Corona laban sa Ikalawang Aquino.
Sa pasabog ni Jinggoy Estrada, na unang tinawag na supot, mahaba’t matagal ang kanyang pamamalagi sa pagtalakay at pagpapaliwanag kung bakit napatalsik at kung paano madaling patalsikin si Corona.
Para sa anak ni Erap, bumaha ang milyones na balato sa mga nagpatalsik kay Corona. Para sa anak ni Tiagong Akyat, isa-isang sinundo’t hatid, o iyung iba’y sinundo lang at ipinagmaneho pa ni Mar Roxas, ang naghahangad na susunod na pangulo ng PH, PHL, Phil at Pilipinas (kay dami namang pangalan ng isang bansa, at bakit ngayon lang nangyari ito kaya’t mas lalong naguguluhan ang pitong lasing sa Batangas dahil ang mismong gobyerno ay nalalabuan pa sa sabaw ng pusit sa pagpapaliwanag).
Talagang isa-isa silang dinala sa Palasyo ng Aquino para kausapin at tiyaking papanig sa kagustuhan ng nasa trono. Napakaraming paliwanag at salag ang Malacanang hinggil dito at ang kanilang mga paliwanag ay tinatawag sa Ingles na “Tell it to the Marines.”
Kung hindi makapaniwala ang pitong lasing sa mga paliwanag na tuwing isang oras ay inilalabas at may dagdag na sangkap, mas lalong hindi makapaniwala’t makaunawa ang hindi lasing.
Ito namang si Lito Lapid ay nakikisawsaw-suka pa at sinasabing marami na raw ang sinundo’t ipinagmaneho ni Mar Roxas, ang namemeligrong hindi na mananalo sa 2016.
May naniniwala pa ba kay Lito Lapid? Kapani-paniwala pa ba siya ngayon? Chicharon na lang ang tinatangkilik ng taumbayan.
Teka, dalawa na ang nagsasalita’t nagbubulgar ng hindi nalalaman ng arawang obrero hinggil kay Corona, sina Jinggoy Estrada’t Ramon “Bong” Revilla. Baka ang susunod na magsasalita hinggil kay Corona ay si Tanda, ayon sa mga kasangkot ding whistleblowers.
Aba’y kapag si Juan Ponce Enrile na ang nagsalita hinggil sa maniobrahang Corona, aba’y (muli) baka malagas na ang buhok ni Colona sa kakapaliwanag, kasasalag at katatanggi.
Jinggoy Estrada, Ramon “Bong” Revilla Jr., at Juan Ponce Enrile, sila ang mga kinasuhan ng plunder (ikalawang kasong plunder ng anak ni Mayor, Senator, Vice President, President, deposed President at Mayor Erap).
Magsasalita kaya, sa ilalim ng privilege speech, ang isa sa mga arkitekto ng martial law? Kung magsasalita si Enrile at bubuhayin na naman niya ang multo ni Corona, baka ito na ang atomic bomb na pupulbos kina Aquino at Roxas.
Telenobela. Abangan ang susunod na kabanata. Abangan ang susunod na pasabog. Kung supot ang pasabog ni Jinggoy, sagana sa tinatawag na props ang talumpati ni Bong.
Kung showbiz ang pasabog ni Bong, base sa pangontra ng matataas ang pinag-aralan, simbobobo sila ng tanga dahil ang masa, ang arawang obrero, ang taumbayan ay nakikisampatiya’t naniniwala sa artista, tulad ng ibinigay na tiwala kay Lapid na sinayang lamang niya sa matagal na pagbubutas-silya.
Maniniwala ang taumbayan na minaniobra si Corona. Di ba’t sa Kamara pa lamang ay ipinadala na sa Senado ang impeachment kay Corona dahil ang mga kongresista pala ay fastest reader?
Pero, nakapagtatakang hindi speed reader si Rep. Crispin “Boying” Remulla, batikang abogado at kinatatakutang Kabitenyo.
Oo nga pala. Nasa tuwid na daan pa rin tayo.