“MY name is Davidson Bangayan and I’m not David Tan.” Ganito ipinakilala ni Bangayan ang kanyang sarili nang humarap siya sa unang pagkakataon sa Senate committee on agriculture and food na dumidinig sa rice smuggling sa bansa.
Dumalo rin si Justice Secretary Leila De Lima, na isiniwalat sa komite na hawak ng National Bureau of Investigation ang testimonya ng dalawang saksi na nagsasabing sina Bangayan at Tan ay iisa.
Hindi naman kinilala ang mga saksi subalit sinabi niya na isa rito ay may direktang pakikitungo kay Bangayan hinggil sa mga “multi-purpose cooperatives” habang ang isa ay may-alam ukol sa mga modus-operandi na, ayon kay De Lima, ay mga uri ng smuggling.
Subalit itinanggi ni Bangayan na siya si David Tan at ang ulat na ginamit niya ito bilang alyas nang kasuhan niya ng libel ang pangulo ng Federation of Philippine Industries Inc., na si Jesus Arranza at apat na iba noong 2005.
Nagalit naman si Senate Minority Leader Juan Ponce-Enrile nang muling itanggi ni Bangayan na ginamit niya ang nasabing alyas sa kasong may kaugnayan sa dalawang dayuhan.
“Oh come on,” ani Enrile. “Nangsisinungaling ka rito, e.” Bago ito ay sinabi ni Bangayan sa komite na ang kanyang negosyo ay “general trading,” gaya ng metal, agriculture products at iba pang kalakal.
“Totoo bang smuggler ka?” tanong naman ni Senator Jose “Jinggoy” Estrada. “No, your honor,” ani Bangayan. Nang baguhin ni Estrada ang tanong, hirit ni Bangayan: “Inuulit ko po hindi po ako smuggler.”
Inamin naman ni Bangayan na lumahok siya sa mga bidding ng pag-aangkat ng bigas bago nagtayo ng ““joint venture” kasama ang ilang kooperatiba ng bigas.
Inamin din niya na gumagamit siya ng mga kooperatiba kapag lalahok sa bidding ng pag-aangkat ng bigas.
( Photo credit to INS )