BAGAMAN pinag-uusapan na sa maraming sulok ng boksing ay ayaw pa ring kumpirmahin ni Top Rank CEO Bob Arum na selyado na ang rematch nina Manny Pacquiao at Timothy Bradley sa Abril 12 sa MGM Grand sa Las Vegas.
Sa panayam ni Lem Satterfield ng The Ring, sinabi ng 82-anyos na si Arum na patuloy pa ang negosasyon sa kampo ng dalawang boksingero pero wala pang pinal na napagkakasunduan para masabing tuloy na tuloy na ang sagupaan.
“Are we talking to the fighters about that fight and trying to get everything done? Yeah. But it’s not done yet and it will never get done if we don’t reach an agreement with those fighters,” pahayag ni Arum.
Idinagdag pa ni Arum na mangangailangan ng kaunti pang panahon para maplantsa ang lahat ng detalye patungkol sa naturang laban.
“I’ve been involved in this business for so long that I know that until everything is agreed to, then there’s no fight. So the process in ongoing. It’s not done. These things take a long time to finish the negotiation,” wika pa ng batikang promoter.
Ang dating sparring partner ni Pacquiao na si Ruslan Provodnikov ng Russia ang isa pang kinukunsidera para maka-sagupa ng Kongresista ng Sarangani sa Abril 12.
Galing si Pacquiao sa unanimous decision win laban kay Brandon Rios noong Nobyembre at sa labang ito ay nasilayan uli ang kanyang lakas at bilis nang bugbusin ang katunggali.
Noong 2012 ay nakalasap ng dalawang kabiguan si Pacquiao laban kina Bradley at Juan Manuel Marquez. Mismong si Pacquiao ang nagsabi ng kanyang pagnanais na makaharap uli si Bradley upang maipakita sa lahat na nadaya lamang siya ng mga hurado na nagbigay ng split decision win kay Bradley noong 2012.
May mga balitang mas mataas na presyo ang hinihingi ni Bradley sa labang ito lalo pa’t tinalo niya sina Provodnikov at Juan Manuel Marquez kamakailan.
“I believe that the issues are being narrowed down and I’m optimistic,” pahayag pa ni Arum.
( Photo credit to INS )