PANALO si Manny Pacquiao! Pero ito ang klase ng tagumpay na hindi gaanong tinanggap ng mundo kahit ng mga kapwa natin Pilipino. Harang daw, lutong-Macau, si Juan Manuel Marquez daw dapat ang nanalo at hindi si Pacman.
Nasanay na kasi ang ating mga kababayan na napababagsak ni Manny ang kanyang katunggali, ang gustong makita ng manonood ay ‘yung humahalik na sa lona ang kanyang kalaban, kaya hindi nasiyahan ang marami sa kanyang pinakahuling tagumpay.
Mula sa Virginia, USA ay bumiyahe ang kaibigan-kaklase namin sa kolehiyo na si Vangie Caperal-Aleemi, gustong maging bahagi ng kasaysayan ng aming kaibigan, kaya pinaglaanan nila ng panahon ang laban ni Pacman.
Unang text sa amin ni Vangie bago ginanap ang sagupaan, “Nakakatuwa, I went around, sabi ng mga nakausap ko, ‘Pacman brings good business here everytime he fights!’ Ang dami kasing kumikita, ang daming nagbebenta ng kung ano-anong souvenir,” kuwento ng aming kaibigan.
Gandang-ganda rin si Vangie kay Jinkee Pacquiao nang dumaan ang misis ng Pambansang Kamao sa kanilang harapan, “Napakalaki ng ipinagbago niya, ang ganda niya ngayon. Bagay ang short hair sa kanya,” komento uli ng aming kaklase nu’ng kolehiyo.
Pero nu’ng nakasalang na kami sa Paparazzi Showbiz Exposed ay sunod-sunod na hindi kagandahang komento mula kay Vangie ang aming tinanggap, nakakapanghina ng kalooban ‘yun, tensiyon na tensiyon tuloy kami habang nagho-host.
Sabi ni Vangie, “Sis, kitang-kita namin ang pagkabiyak ng right eyebrow niya, madugo, saka ang lips niya, pumutok din. Hayup ang lakas ni Marquez.
“Parang hindi siya makaganti ng suntok, grabe, mukhang tagilid siya this time. Malas yata akong manood, kinakabahan talaga kami dito,” magkasunod na text ni Vangie.
Pero nu’ng mag-commercial break uli kami ay maganda na ang tema ng text messages ng aming kaibigan, positibo na, meron nga lang itong kuwento tungkol sa kaganapan sa MGM Grand Garden Arena.
“Sis, Manny won by majority decision! Panalo pa rin tayo! Pero binu-boo siya ngayon, ayaw tanggapin ng mga Mexicans ang panalo ni Manny, obvious na luto raw!
“Nagtaas na ng kamay si Marquez, thinking na siya ang mananalo, pero it’s still Pacman! Magulo na dito, sigawan nang sigawan ang mga Mexicans, galit na galit sila sa nangyari,” text message uli ni Vangie.
Anuman ang sabihin ngayon ay nakapagdesisyon na ang mga hurado, si Pacman ang panalo, muling itinayo ni Pacman ang bandera ng Pilipinas sa mapa ng mundo.