NAPANOOD ng inyong lingkod ang hearing sa Senado tungkol sa rice smuggling, at para itong moro-moro lang sa aking paningin.
Walang kalatuy-latuy ang ginawang imbestigasyon.
Maliwanag na nagpapakita lang ng gilas ang mga senador.
Pinakikita nila ang kanilang galing sa pagtatanong o investigative prowess, pero wala naman sila noon. Akala lang nila meron.
Ang dahilan ng imbestigasyon ay upang maipakita ang kanilang mga mukha sa TV, hindi upang pumasa ng batas laban sa rice smuggling. Halimbawa, kinakailangan pa bang ungkitin ng mga miyembro ng Senate committee on agriculture, na pinamumunuan ni Sen. Cynthia Villar, ang tunay na pagkatao ni David Bangayan.
Sinabi na ng National Bureau of Investigation (NBI) na si David Tan, ang diumano’y kingpin ng rice smuggling, at si Bangayan ay iisang tao lang.
Bakit di pinatawag ng Villar committee ang dating administrator ng National Food Authority (NFA) na si Lito Banayo?
Bakit si David Tan lang, samantalang si Banayo ang “gumawa” kay Tan bilang higanteng rice smuggler?
Sa panahon ni Lito Banayo bilang NFA chief naging laganap ang rice smuggling.
Binigyan ni Banayo ang mga rice importers ng importation quota or permit na ginamit ng mga ito ng maraming beses.
Kung beses lang ginamit, walang illegal. Pero maraming beses ginamit ang import permit kaya’t naging illegal ang rice importation, naging smuggling na.
Tanungin ninyo ang mga opisyal ng Department of Agricuture at Bureau of Customs at ituturo nila si Banayo ang promotor ng rice smuggling.
May nakapagsabi sa akin na kumita ng P2 billion si Banayo sa rice smuggling.
Nagbitiw si Banayo sa NFA at sinabi niyang tatakbo siya bilang congressman sa Butuan City.
Pero ang totoo niyan, naaasiwa na siya sa ginagawa ni Agriculture Secretary Proceso Alcala sa pagtanong-tanong tungkol sa kanyang ginagawa bilang NFA chief.
Kung totoong tatakbo siya pagka-congressman ng Butuan City, di sana ay nag-file siya ng certificate of candidacy noong 2013 election na di niya ginawa.
Kung hindi moro-moro ang imbestigasyon ng Senado tungkol sa rice smuggling, dapat ay tawagin nila si Banayo sa susunod na hearing.
Tingnan ko lang kung di maihi si Banayo sa pagsasagot sa mga itatanong ng mga senador sa kanya.
Baka matanggal pa ang wig niya sa nerbiyos. Tingnan lang natin kung anong sasabihin ni Secretary Alcala tungkol kay Banayo.
Tingnan lang ninyo ang pagiging ipokrito nitong si Banayo.
Noong panahon ng Pangulong Gloria, madalas batikusin ni Banayo sa kanyang column sa isang pahayagan ang pagiging corrupt ni First Gentleman Mike Arroyo.
Ngayong nabigyan si Banayo ng puwesto, naging katulad na rin siya ng taong kanyang binabanatan noon, si Mike Arroyo.
Sino si Banayo?
Siya’y political adviser ng dating senador na si Ping Lacson.
Si Lacson ang nagrekomenda kay Banayo sa Malakanyang upang maging NFA chief.
Disappointed si Lacson sa pinaggagawa ni Banayo sa NFA, sabi ng kaalyado ng dating senador.
Baka napahiya siya kay Pangulong Noy.
Nag-umpisa akong magsulat ng column mula noong 1982, panahon ni Pangulong Marcos.
Nakita ko ang kaipokritohan ng maraming tao.
Noong panahon ng mga Marcos, panay ang sigaw ng mga street parliamentarians tungkol sa abuso at corruption ng pamilya Marcos. Nang mabigyan sila ng puwesto mula noong panahon ni Pangulong Cory, sila din ay naging abusado at corrupt.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
