Di basta natitinag!

KAHIT paano’y nakapag-establish na rin ng identity ang Rain or Shine sa PBA bilang isang koponang hindi naman ganoon kalakas subalit hindi basta-basta natitinag!

Nauna lang marahil ang Barangay Ginebra sa taguring “never-say-die” pero halos ganoon din ang brand of play ng Rain or Shine, e.

Hindi ka nakatitiyak ng panalo sa koponang ito lalo na noong iluklok bilang head coach ng Elasto Painters si Yeng Guiao.
Naipasa ni Guiao sa kanyang mga manlalaro ang kanyang character!  Tumapang sila!

Sa totoo lang, bago nag-umpisa ang PLDT myDSL PBA Philippine Cup, hindi naman gaanong napag-uusapan ang Rain or Shine, e. Walang nagsabi na ito ang magiging team-to-beat.

Walang nagsabi na ito dapat ang pinag-iingatan. Walang nagsabi na malamang sa makuha ng Elasto Painters ang isa sa top two spots sa pagtatapos ng elims.

Karamihan sa mga odds makers ay nakaturo sa tatlong teams na nagkampeon noong nakaraang season — ang defending Philippine Cup champion Talk ‘N Text, ang Commissioner’s Cup champion Alaska Milk at ang Governors Cup champion San Mig Coffee.

Siyempre mataas ang expectation sa Tropang Texters dahil sa tatlong beses na silang nagkakampeon sa Philippine Cup. Parang record na iyan, hindi ba?

Intact ang koponan na kinabibilangan ng apat na Gilas Pilipinas members. Mataas ang pagtingin sa Aces lalo’t nakabuwelo na si coach Luigi Trillo noong nakaraang season. Intact din ang team na ito.

At natural namang mas delikado ang SanMig Coffee dahil wala pang isang buwan silang nagkakampeon, e.  Kumbaga ay nasa Mixers ang momentum kahit pa sabihing apat ang kanilang rookies sa season na ito.

Bukod sa tatlong teams na ito, natural na pinag-uusapan din ang Petron Blaze at Barangay Ginebra San Miguel. Petron ang nakalaban ng SanMig sa nakaraang Governors Cup Finals.

Kung medyo sinuwerte ang Boosters ay baka sila ang nagkampeon. Nasa kanila ang reigning Most Valuable Player na si Arwind Santos. Nasa kanila din ang vastly improved na si June Mar Fajardo.

E ang Barangay Ginebra? Aba’y nakuha nito ang No. 1 pick sa draft na si Gregory Slaughter na isang seven-footer. Sa pagtutulungan nina Slaughter at Japeth Aguilar ay hawak ng Gin Kings ang pinakamatangkad na frontline. Height is might, hindi ba?

Pero natameme silang lahat nang ang Rain or Shine ang isa sa koponang nakakuha ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals.
“We’re not the most talented, not the tallest nor the most expensive.

But we are able to remain consistent just by following our system, our philosohy. It’s a little unorthodox but it works,” ani Guiao.
Nagtagumpay na ang formula na ito sa Red Bull noong panahon ni Guiao doon.

Kaya naman tuwang-tuwa ang Rain or Shine team owners na sina Terry Que at Raymond Yu sa pagkakakuha nila kay Guiao. Siguradong magtatagumpay din ang Elasto Painters

Read more...