Bong laban kung laban, P-Noy, Mar hindi uurungan


Nagdesisyon na ngang magsalita at magbigay ng kanyang saloobin si Senador Bong Revilla, Jr. tungkol sa pagkakasangkot ng kanyang pangalan sa pork barrel scam nu’ng Lunes nang hapon sa pamamagitan ng isang privilege speech.

Tinutukan namin ang mga pahayag ng mambabatas na matagal na panahon nang nananahimik lang, pakiramdam nga namin, habang nagsasalita sa plenaryo ang senador ay halos walang humihinga sa pakikinig sa kanya.

Sinuportahan si Senador Bong ng kanyang pamilya, nakinig din sa kanyang talumpati ang kanyang dakilang ama, ang dating Senador Ramon Revilla, Sr. na naging emosyonal habang naglilitanya ang aktor-politiko.

Masang-masa ang atake ni Senador Bong. Nobenta porsiyento ng kanyang speech ay sa Pilipino, may mga nasasalit mang Ingles ay umaalsa lang ‘yun sa mga panahong meron siyang ikino-quote, kailangan kasing eksakto ang pagtatawid niya du’n.

Nagmarka sa amin ang pagpapakita ni Senador Bong ng mga kopya ng ilang dokumento na diumano’y siya ang pumirma ayon sa whistle blower na si Benhur Luy.

Iba-iba ang pirma, halatang pineke lang ang kanyang signature, nu’ng mga oras na ‘yun ay maraming kababayan natin ang napailing na lang dahil talaga raw palang pinag-initan lang ang senador ng kasalukuyang tagapamuno ng ating pamahalaan.

Laban kung laban ang posture ni Senador Bong. Ang palagi niyang tanong sa bawat dulo ng kanyang talumpati ay kung ‘yun daw ba ang sinasabing tuwid na daan?

Panahon na para magbigay ng paliwanag ang senador, kailangan na talaga niyang linisin ang kanyang pangalan pati na ang imahe ng kanyang pamilya dahil sa tinawag niyang sarsuwela ng pork barrel, sa tanggapin man o hindi ng mga personalidad sa mundo ng politika ang kanyang mga hamon ay maganda na ring nasabi na ni Senador Bong ang kanyang saloobin.

At sa kanyang talumpati ay ipinanganak ang isang bagong karakter, si “Boy Pick-up,” si DILG Secretary Mar Roxas na ngayo’y pinagpipistahan na kahit saan.

Madiing sinabi pa ni Senador Bong, “Ginoong Pangulo, ang Pilipinas po ay hindi republika lamang ng mga tulad n’yong dilawan, parehas na pagtingin lang po ang kailangan n’yong pairalin, napakabaluktot na po ng tinatahak nating daan.”
Ubos!

( Photo credit to INS )

Read more...