‘Boy Pick-up’ may iba pang ipinagmaneho

MAYROON pa umanong isang senador na pinagmaneho si Interior and Local Government Sec. Mar Roxas patungo sa Malacanang sa kasagsagan ng impeachment trial ni dating SC Chief  Justice Renato Corona.
Ito ang sinabi ni Navotas Rep. Toby Tiangco isang araw matapos sabihin ni Sen. Ramon Bong Revilla Jr., na ipinagmaneho siya ni Roxas patungong Malacanang upang kausapin ni Pangulong Aquino.
“Ang sigurado ko meron pang isang senador na sinundo rin, pinagmaneho rin at kinausap rin. Ang andun ay sina Secretary Mar, Secretary Butch at si Presidente,” ani Tiangco.
Tumanggi naman si Tiangco na pangalanan ang senador na kinumbinsi rin umano upang bumoto pabor sa impeachment ni Corona.
Isa si Tiangco sa ipinatawag na testigo ni Corona sa impeachment trial. Siya ang secretary general ng United Nationalist Alliance.
Naniniwala si Tiangco na lalong pahihirapan ng Malacanang si Revilla matapos ang kanyang privilege speech.
Si Revilla ang isa sa mga posibleng kandidato sa mas mataas na puwesto sa 2016. Ito umano ang isa sa mga nakikitang dahilan ng senador kung bakit siya inaakusahan na sangkot sa P10 bilyong pork barrel scam.
CONTRIBUTED PHOTO:  Office of Sen. Revilla

Read more...